“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!’ ” (Mateo 3:3)
Unang Pagbasa: Isa 11:1-10
Sa araw na iyon: Sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari, tulad ng supling mula sa isang tuod. Mananahan sa kanya ang espiritu ng Panginoon, bibigyan siya ng katalinuhan at pagkaunawa, ng kaalaman at kapangyarihan, ng karunungan at takot sa Panginoon. Kagalakan niya ang tumalima sa Panginoon. Hindi siya hahatol ayon sa nakikita, o batay sa narinig sa iba. Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha, ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa. Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit, ang hatol niya’y kamatayan sa masasama. Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kanyang pamamahala.
Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero, matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing. Magsasama ang guya at ang batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila’y batang paslit. Ang baka at ang oso’y magkasamang manginginain, ang mga anak nila’y magkakatabing matutulog. Kakain ng damo ang leon na animo’y toro.
Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas. Hindi maaano ang bata kahit laruin ang ulupong. Walang mananakit o mamiminsala sa nasasaklaw ng banal na bundok; sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan, laganap sa buong lupain ang pagkilala sa Panginoon.
Sa araw na iyon, isisilang ang hari mula sa lahi ni Jesse, ang magiging palatandaan para sa mga bansa. Ang mga baya’y tutungo sa banal na lunsod upang parangalan siya, at magiging maningning ang kanyang luklukan.
Salmo: Awit 71
Tugon: Mabubuhay S’yang marangal
at sasagana kailanman!
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran, sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan; upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan, at pati sa mahihirap, maging tapat siyang tunay.
Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan, madama ng bansa niya at umunlad habang buhay. Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak, mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag, lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap; sa ganitong mga tao siya’y lubhang nahahabag; sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan, manatiling laging bantog na katulad nitong araw; nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa, pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
Ikalawang Pagbasa: Roma 15:4-9
Mga kapatid: Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito. Loobin nawa ng Diyos na nagpapatatag at nagpapalakas ng loob, na mamuhay kayong may pagkakaisa kay Kristo Hesus. Sa gayon, sama-sama kayong magpuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo.
Kung paanong kayo’y malugod na tinanggap ni Kristo, gayon din ang gawin ninyo sa isa’t isa upang maparangalan ninyo ang Diyos.
Sinasabi ko sa inyo: si Kristo’y naging lingkod ng mga Judio upang ipakilala na tapat ang Diyos at tinutupad ang mga pangako niya sa mga patriyarka, at ang mga Hentil nama’y magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Ayon sa sinasabi ng Kasulatan, “Kaya’t papupurihan kita sa harapan ng mga Hentil, at aawitan ko ang iyong pangalan.”
Mabuting Balita: Mateo 3:1-12
Noong panahong iyon, si Juan Bautista’y dumating sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Sinabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!” Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito, “Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!’ ”
Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang at pulot-pukyutan.
At pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea, at mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at sila’y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.
Ngunit nang makita niyang marami sa mga Pariseo at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa parusang darating? Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y nagsisisi. At huwag ninyong ipangahas na kayo’y anak ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa’y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy; ang bawat punongkahoy na hindi mabuti ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy. Binibinyagan ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t pagtalikod sa inyong mga kasalanan; ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa akin, hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak.
Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo, ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di-mamamatay kailanman.”