Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon - 25 Hunyo 2017



Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.” (Mateo 10:31)



Unang Pagbasa: Jeremias 20:10-13

Sinabi ni Jeremias: Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan. Tinagurian nila akong “kilabot saanman.” Sinasabi nila, “Isuplong natin! Isuplong natin!” Pati matatalik kong kaibiga’y naghahangad ng aking kapahamakan. Wika pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya; pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan.” 

Subalit ikaw’y nasa panig ko, Poon, malakas ka’t makapangyarihan; madarapa ang lahat ng umuusig sa akin, hindi sila magtatagumpay kailanman. Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi. Mapapahiya sila habang panahon, at ito’y hindi na makakalimutan. 

 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Poon, Diyos na Makapangyarihan, alam mo ang laman ng kanilang mga puso’t isip. 

Kaya’t ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko, ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan. Awitan ninyo ang Poon, inyong purihin ang Poon sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama. 

Salmo: Awit 68

Tugon: Panginoon, iyong dinggin 
            akong iyong ginigiliw!

Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi, 
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami. 
Sa mga kapatid parang ako’y iba, 
kasambahay ko na’y di ako kilala. 
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo, 
matinding-matindi sa kalooban ko; 
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo. 

At sa ganang akin, ako’y dadalangin sa iyo, 
O Poon, sana’y iyong dinggin 
sa mga panahon na iyong ibigin; 
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin, 
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin. 
Poon, sa buti mo’t pagibig sa akin, 
sa aking pagtawag ako sana’y dinggin, 
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin. 

Kung makita ito niyong mga dukha, 
sila ay sasamba sa laki ng tuwa. 
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan, 
lingkod na bilanggo’y di nalilimutan. 
Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa, 
maging karagata’t naroong nilikha! 

Ikalawang Pagbasa: Roma 5:12-15

Mga kapatid: Ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa ibinigay ang Kautusan, ngunit walang pinananagot sa kasalanan kung walang Kautusan. Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga tao na ang pagkakasala’y di-tulad ng pagsuway ni Adan. 

Si Adan ay anino ng isang darating. Ngunit magkaiba ang dalawang ito, sapagkat ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahangloob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao – si Hesukristo.

Mabuting Balita: Mateo 10:26-33

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad, o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno. 

Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya. 

Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: