Ang Kultura ng Kasalanan

30 Setyembre 2012
Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ebanghelyo: Marcos 9:38-48





Pauwi na kami ng asawa ko. Sakay kami ng jeep galing sa R. Papa. Sa may likuran ng jeep ay may dalawang kabataan. Isang lalaki at isang babae. Bago sila nagmamadaling bumaba ay pinaabot ng kabataang lalaki sa mga kapwa namin pasahero ang baryang limang piso hanggang makarating sa kamay ng driver.

Galit na galit ang driver nang makita ang limang pisong ibinayad nila. Sinigawan niya ang dalawang kabataang nakatawid na sa kabilang panig ng kalsada. Tumitingin sa direksyon ng driver ang kabataang lalaki samantalang ang babae'y patuloy lang sa paglakad. Na parang walang nangyari.

Nakakalungkot ang nasabing tagpo. Sa unang tingin, dapat ay hindi na lang nagbayad ng kulang ang dalawang kabataan. Sa paraang 'yun, hindi magagalit ang driver dahil hindi nito malalamang nag-123 sila. Wala na dapat komosyon. Wala nang sitahang nangyari pero kung magkagano'n ay hindi pa rin ang tama ang umiral.

Ang nasabing tagpo ay isa lamang sa mga tagpong isinisisi ng marami sa kahirapan. Hindi lang sa jeep nangyayari ang mga ganu'ng tagpo kundi sa iba pang mga lugar at sitwasyon. Pero kahirapan nga ba ang punu't dulo ng lahat? 

Sa mga balita sa telebisyon, paminsan-minsan ay may ibinabalitang mga mahihirap na nagsosoli ng malalaking halaga. Iba ba ang mga taong ito kumpara sa nabanggit na dalawang kabataan?

Hindi kaya ang kahirapan ay ginagamit lang nating "excuse" para i-justify ang paggawa natin ng kasalanan?

Malinaw na ipinahayag ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayon ang kabayaran ng kasalanan-- ang Gehena o ang dagat-dagatang apoy. Ito ang nagsisilbing babala sa mga patuloy na nagkakasala at hindi nagbabalik-loob sa ating Ama.

Ang dalawang kabataan at ang driver ng jeep ay bahagi lamang-- kung hindi man biktima-- ng sala-salabat na komplikasyon ng kultura ng kasalanan. Ng kulturang makasarili, "ako muna bago ang iba". Sasabihin nating ito na ang uso. Marami sa'tin ang tumatanggap dito at ang iba nga'y itinuturo pa sa iba at sa kanilang mga anak ang kaisipang ito.

Babala: Malinaw ang sinabi ni Hesus ukol sa pagtuturo ng mali "sa maliliit na ito na nananalig sa akin".

Kung literal nating susundin ang mga salita ni Hesus, marami sa 'tin ngayon ang pingkaw, putol ang kamay o bulag. Gusto lang sabihin ng ating Panginoong hindi magiging ganu'n kadali ang buhay ng pagsunod sa kanya. Nangangailangan ito ng sakripisyo. Ng "pagpuputol" sa ating mga nakasanayan nang gawi, pananalita at bisyo.

Ngayong panahon ng makabagong teknolohiya, maraming itinuturo sa atin ang mundo. Marami sa mga ito ay mga maling ibinaluktot upang maging tama. Ipanalangin nating gabayan tayo ng Banal na Espiritu upang magawa nating malaman ang kaibahan nito sa mga totoong tama at banal. 

Panalangin:

O Diyos Amang Makapangyarihan sa Lahat, ipagkaloob N'yo po sa amin ang wisdom upang malaman at masundan namin ang tamang gawing naaayon sa Iyong mga Salita. Na higit na mahalaga ang mga kayamanan at kaginhawahang panlangit kaysa sa inaalok ng sanlibutan.

Nawa po'y magawang magkaisa ng mga Kristiyano. Maunawaan po nawa naming iba-iba man ang aming interpretasyon sa Iyong Salita, kami po ay iisa sa pagsamba at pananalig sa Iyong Anak na si Hesus.

Patuloy po ninyong palakasin ang aming Obispo, mga pari, mga katekista at layko na manindigan para sa pagtatanggol sa mga turo ng simbahan. 
        
        Hilumin po ninyo ang mga taong patuloy na binibigyang katwiran ang mali upang ipagpilitang tama-- minsa'y sukdulan pang gamitin ang Iyong Salita-- para sa kanilang sariling interes. 

Patuloy po sana kaming gabayan ng Iyong Banal na Espiritu upang magawa namin ang tama at mabuti, ayon na rin sa turo ng iyong Bugtong na Anak. Amen.

(i-play ang video sa ibaba)




Mga kasulyap-sulyap ngayon: