30 Disyembre 2012
Basahin ang Ebanghelyo dito: Lucas 2:41-52
Malinaw ang naging sagot ng Batang si Hesus nang tanungin ng Kanyang mga magulang na tatlong araw nang naghahanap at nag-aalala sa Kanya:
"Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?" (Lucas 2:49)
At sa pagpasok ng bagong taon, ito ang dapat na maging layunin natin; ang mamalagi sa bahay ng ating Amang Diyos-- ang mamalagi sa Kanyang kalooban. Kaytagal na tayong hinahanap ng ating Diyos. Oras na upang bumalik sa Kanyang tahanan.
Katulad nina Maria at Jose, marami sa atin ang literal na naghahanap kay Hesus. Marami ang nagpapalipat-lipat pa ng relihiyon para lamang makita Siya.
Sa ating buhay ngayon, makikita natin si Hesus sa ating kapwa. Siya 'yung pulubing lumapit sa atin kanina habang naglalakad tayo sa kalsada. Siya rin ang mga taong naging biktima ng mga trahedya at mga bagyo.
Nasa atin ni Hesus. Kasama natin Siya sa araw-araw. Sa trabaho. Sa eskuwelahan. Sa bahay. Sa pagbiyahe natin papasok at pauwi.
Ang kailangan lang ay tanggapin natin at i-aknowledge nating kasama natin Siya.
Sa pagdiriwang natin ng Kapistahan ng Banal na Mag-anak -- si Hesus, Maria at Jose-- itinatalaga natin ang ating mga sariling maging ehemplo sila. Tularan nawa ng ating pamilya ang kanilang kapayakan, katatagan, pagmamahalan at pagtitiwala.
Halina sa tahanan ng Ama. Naroroon si Hesus. Kasama natin at kaisa natin Siya kung patuloy nating tinatanggap ang mga grasyang mula sa Diyos at inaangking ang lahat ay nagmula sa Kanya. Tayo'y mga sanga at si Hesus ang puno. Wala tayong magagawa kung malayo tayo sa Kanya.
Panalangin:
Panginoon naming Ama, Ikaw na kaisa ng malaking pamilya ng mga Katolikong itinatag ng Iyong Anak na si Hesus, ang amin pong sarili kasama ang aming pong mga pamilya ay itinatalaga namin sa Iyo.
Ipadala Mo po ang Iyong Banal na Espiritu upang patuloy na manatili sa aming pamilya ang Inyong presensya. Opo, aming Ama, sumagot si Hesus sa Kanyang ina upang ipahayag ang kauna-unahang layunin ng Kanyang pagkakatawang-tao; ang sumunod sa Iyong kalooban. Magawa rin po sana naming sumunod sa Iyo.
Gayundin po, idinadalangin po namin ang mga pamilyang ngayo'y dumaraan sa mabibigat na mga pagsubok. Sana po'y magawa nilang tanggapin ang isa't-isa sa kabila ng mga kanilang mga kahinaan. Sana po'y mapagtanto naming wala naman po talagang perpektong pamilya. Walang perpektong ama. Walang perpektong ina. Walang perpektong anak.
Subalit sa kabila po ng aming pagiging mahina, tulungan Mo pong manaig sa amin ang pag-iibigang nag-uugat sa Iyo na nauna nang sa ami'y nagmahal.
Kaisa ng Banal na Mag-anak, sa Ngalan ni Hesus kasama ng Espiritu Santo, ang lahat ng ito'y itinataas po namin sa Iyo, o aming Ama. Amen.