Liwanag Sa Dilim

Pasko ng Kapanganakan ni Hesus 
Huli sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem"   
25 Disyembre 2012  
Basahin ang mga Ebanghelyo dito: (Hatinggabi) Lucas 2:1-14 (Araw) Juan 1:1-18



Kung bibigyan tayo ng pagkakataong iguhit ang Pasko natin ngayong taon, paano natin ito iguguhit? Sino-sino ang mga taong naroon sa larawan? Ano ang ekspresyon ng mga mukha ng mga tao sa nasabing drawing? Anong mga pangyayari sa buhay natin ang isasama natin sa background

Ngayong araw na ito, iginuhit ng Diyos ang isang napakagandang larawan ng Kanyang walang hanggang pag-ibig. Hindi Niya ito iginuhit gamit ang anumang uri ng tinta o pintura. Hindi Niya ito sinabi lamang tulad ng likhain Niya ang daigdig. Ngayo'y ipinapakita Niya ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagiging tao-- ng pagiging sanggol.

Para Siyang isang Inang hindi nasiyahan na magsabi ukol sa kanyang pagmamahal. Hindi iyon sapat. Pinili Niyang tayo'y yakapin. Tulad ng isang Ina, ninais Niya tayong hagkan. Ninais ng Diyos na makasama tayo. Sukdulang yakapin Niya ang makasalanang angkang sinundan Niya.

Dumating na sa sukdulan ang paglalakbay natin patungong Bethlehem. Narito na tayo sa dapat ay masayang pagsilang ni Hesus. Subalit walang anumang pagdiriwang na nangyari nang Siya'y isinilang. Walang pa-morningan na party. Walang magarbong mga pagkain o mga sikat na bisita.

Ang natagpuan ng mga pastol ay isang sanggol na nakabalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban. Kasama ng sanggol ang kanyang mga magulang na hindi rin maintindihan ang nangyayari. Bakit isinilang ang Mesiyas sa lugar na ito? Ang tagapagligtas ng Israel ay iniluwal sa mundo sa piling ng mga hayop?

Hinubad ni Hesus ang lahat ng kanyang kaluwalhatian para sa ating lahat. Siya ay Diyos na naging isang sanggol. Naging mahina. Minsan Siyang nangailangan ng kalinga ng Kanyang mga magulang. Sumuso Siya sa dibdib ng Kanyang inang si Maria. Umiyak sa tuwing makadarama ng gutom o  anumang discomfort. Idinuyan sa mga mapagmahal na mga bisig.

Siya ay naging tulad natin-- naglaro, nagutom, napagod, nasaktan, tumangis, tumawa. Lahat ng ito'y naranasan Niya para sa atin.

Naalala ko tuloy ang isang kuwento tungkol sa mga palito ng posporong sasa loob ng kahon. Inaasam nila ang liwanag na nakikita nila tuwing bumubukas ang kahon.

Tayo'y tulad ng mga palito ng posporo; naghahanap tayo ng liwanag. Naghahanap tayo ng Diyos. Ang hindi natin alam, katulad ng mga porporo, nasa loob lang natin ang Liwanag. Nasa puso natin ang Diyos. Nasa puso natin si Hesus na minsa'y isinilang sa isang sabsaban para iparamdam ang Kanyang pag-ibig sa atin.



Panalangin:

Panginoon naming Ama, hayaan Mo pong purihin Ka ng aming mga labi, ibigin Ka ng aming mga puso, kilalanin Ka ng aming mga isip at sambahin Ka ng aming mga kalluluwa.

Ang lahat po ng ito'y nagmula sa Inyo at muli naming ibinabalik sa Iyo bilang alay ng pagluwalhati sa Iyong mga paa.

Ang Pasko po'y naging tulay upang ang Iyong Bugtong na Anak ay magkatawang-tao. Isinilang Siya sa daigdig bilang isang munting sanggol sa sabsaban. Kinalong at inaruga Siya ng isang mapagmahal na Inang Birheng Maria at prinotektahan ng isang ama sa katauhan ni San Jose.

Sa Kanya pong kaarawan, hayaan po Ninyong ihandog namin sa Kanya ang aming mga pusong uhaw sa Kanyang walang hanggang pagmamahal.

Tulungan po Ninyo kaming maipadama sa aming kapwang nangangailangan ang Kanyang pag-ibig. Bigyan po Ninyo kami ng mga bukas na palad-- handang magbahagi ng mga biyayang tinatanggap namin mula sa Iyo.

Basbasan po Ninyo ang mga bata. Maipaunawa po sana namin sa kanilang si Hesus ang sentro ng Pasko at hindi lamang mga mga regalong tinatanggap nila buhat sa amin.
 

Idinadalangin din po namin ang mga kapatid naming nawalan ng tirahan at ng mga kapamilya dahil sa pananalanta ng bagyo. Maramdaman po sana Nila ang kahalagahan ng Pasko kahit na po alam naming nakadarama sila ng kakulangan sa kanilang mga buhay. Punan po sana ng Iyong Pag-ibig ang kanilang kasalatan. 

Ang lahat po ng ito'y hinihingi namin sa matamis na Pangalan ni Hesus, walang hanggang kaligtasan naming nasadlak sa kasalanan, kasama ni Birheng Maria, ni San Jose at ng Banal na Espiritu magpasawalang-hanggan.

Maligayang kaarawan po, Hesus, aming Kaibigan, Kapatid, at walang hanggang Manunubos. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: