Pebrero 2013

01 02 03 04 05 06 07 08 09 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28




01 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Marcos 4:26-34

26 Sinabi pa ni Jesus, "Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. 29 Kapag hinog na ang mga butil, agad niya itong ipagagapas sapagkat panahon na para ito'y anihin." 

30 "Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinhaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?" tanong ni Jesus. 31 "Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito."  

33 Ipinangaral ni Jesus sa kanila ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinhagang tulad ng mga ito, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinhaga; ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang. 

02 Pebrero 2013  
Mabuting Balita:Lucas 2:22-40

22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.
                
25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos, 

29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.


30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,

31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."
                
33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso."
                
36 Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagaayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem. 

39 Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos. 

03 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Lucas 4:21-30

21 At sinabi niya sa kanila, "Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon."
                
22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. "Hindi ba ito ang anak ni Jose?" tanong nila.
               
 23 Kaya't sinabi ni Jesus, "Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, 'Doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili!' Marahil, sasabihin pa ninyo, 'Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.' 24 Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan.  
25 Ngunit sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa dinami- dami ng mga may ketong b sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria."
                
28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinakatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis. 

04 Pebrero 2013 
Mabuting Balita: Marcos 5:1-20

1 Dumating sila sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. 2 Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. 3 Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. 4 Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. 5 Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili.
                
6 Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, "Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, bakit mo ako pinapakialaman? Ipangako mo sa pangalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!" 8 (Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, "Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!")
                
9 Tinanong siya ni Jesus, "Ano ang pangalan mo?"
               
"Batalyon,  sapagkat marami kami," tugon niya. 10 At nakikiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon.
                
11 Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 12 Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, "Pasapiin mo na lamang kami sa mga baboy," 13 at sila'y pinahintulutan niya. Lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at sumapi sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawang libo, ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod.
                
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang tunay na nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at ang sinapit ng mga baboy.
                
17 Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain.
                
18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, 19 ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, "Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo."
                
20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon. 

05 Pebrero 2013 
Mabuting Balita: Marcos 5:21-43

21 Si Jesus ay sumakay sa bangka  at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmamakaawa, "Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!"
               
 24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.
                
25 Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Hirap na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat iniisip niyang: "mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako." 29 Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.
                
30 Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya agad sa mga tao at nagtanong, "Sino ang humipo sa aking damit?"
                
31 Sumagot ang kanyang mga alagad, "Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?"
                
32 Subalit patuloy na lumingun-lingon si Jesus sa paghahanap sa kung sinong humipo sa damit niya. 33 Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na."
                
35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. "Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro," sabi nila.
                
36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus,  sinabi niya kay Jairo, "Huwag kang mawalan ng pag-asa; manampalataya ka lamang."
                
37 Walang isinama si Jesus noon maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, "Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang."
                
40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, "Talitha koum," na ang ibig sabihi'y "Ineng, bumangon ka!"
                
42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

06 Pebrero 2013 
Mabuting Balita: Marcos 6:1-6

1 Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtatanungan sila, "Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 3 Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?" Kaya't sila'y nagduda sa kanya at siya'y hinamak nila.
                
4 Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay." 5 Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Nagtaka siya dahil hindi sila naniwala sa kanya.  Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon.

07 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Marcos 6:7-13

7 Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, 8 at pinagbilinang, "Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdadala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag din kayong magdadala ng pagkain, bag, o pera. 9 Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdadala ng bihisan."
                
10 Sinabi rin niya sa kanila, "Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon."
                
12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.

08 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Marcos 6:14-29

14 Nakarating kay Haring Herodes ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat bantog na bantog na ito. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, "Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon."
                
16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, "Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay." 17 Si Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, "Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!" 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit na labis siyang nalilito sa mga sinasabi nito. 
                
21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, "Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo." 23 Naipangako rin niya sa dalagang, "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit pa ang kalahati ng aking kaharian."
               
 24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, "Ano po ang hihingin ko?" "Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo," sagot ng ina.
               
 25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, "Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan."
                
26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.
                
29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

09 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Marcos 6:30-34

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, "Magpunta tayo sa isang lugar na kung saan maaari tayong makapagsarilinan, at upang makapagpahinga kayo nang kaunti." 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang ilang na lugar.                 

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sila Jesus. 34 Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 

10 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Lucas 5:1-11

1 Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nag-uunahan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. 2 May nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa; wala sa mga bangka ang mga mangingisda kundi nasa lawa at naglilinis ng kanilang mga lambat. 3 Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
                
4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, "Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli."
               
 5 Sumagot si Simon, "Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat." 6 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. 7 Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. 8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, "Layuan po ninyo ako, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan."

9 Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, "Huwag ka nang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin."
                
11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

11 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Mateo 9:14-15


14 Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, "Kami po ay madalas a mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?" 15 Sumagot siya, "Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.

12 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Marcos 7:1-13

1 Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. 2 Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kinaugalian.
                
3 (Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan.  Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, at mga higaan. 
                
5 Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, "Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian."
                
6 Sinagot sila ni Jesus, "Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat,

'Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal.
7 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.'
8 Winawalang-kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos,
at ang sinusunod ninyo'y mga katuruan ng tao."
                
9 Sinabi pa ni Jesus, "Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! 10 Halimbawa, iniutos ni Moises na 'Igalang mo ang iyong ama at ina', at 'Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.' 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, 'Naihandog ko na sa Diyos c ang mga tulong ko sa inyo'; 12 ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. 13 Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong itinuturong katulad nito."

13 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Mateo 6:1-18

1 "Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.
                
2 "Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito sa pinakamatalik mong kaibigan. 4 Gawin mong lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo."                

5 "Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
                
7 "Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. 9 Ganito kayo mananalangin,


'Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.

10 Nawa'y maghari ka sa amin.
Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.

11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw; 
12 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.

13 At huwag mo kaming hayaang matukso,
kundi iligtas mo kami sa Masama!' 
                
14 "Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang iba, c hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan."               

16 "Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag- aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18 upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo." 

14 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Lucas 9:22-25

22 Sinabi pa niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay ipapapatay nila ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos."
                
23 At sinabi niya sa kanilang lahat, "Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 24 Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 25 Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kanyang sarili. 26 Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang naghahari ang Diyos." 

15 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Mateo 9:14-15

14 Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, "Kami po ay madalas a mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?" 15 Sumagot siya, "Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno. 

16 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Lucas 5:27-32

27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Sumunod ka sa akin." 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod at naglingkod kay Jesus.
                
29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, "Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?"
                
31 Sinagot sila ni Jesus, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi."

17 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Lucas 4:1-13

1 Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang 2 sa loob ng apatnapung araw, at doon siya'y tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom.
                
3 Sinabi sa kanya ng diyablo, "Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito."
                
4 Ngunit sinagot ito ni Jesus, "Nasusulat, 'Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay.' 

5 Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa ilang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. 6 Sinabi ng diyablo, "Ibibigay ko sa iyo ang pamamahala sa lahat ng kahariang ito at ang kadakilaan nito. Ipinagkaloob ito sa akin, at maibibigay ko sa kaninumang naisin ko. 7 Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging sa iyo na ang lahat ng ito."
                
8 Sumagot si Jesus, "Nasusulat,

'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.' "
                
9 Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, "Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka 10 dahil nasusulat,

'Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,'

11 at
'Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.'"
                
12 Subalit sinagot siya ni Jesus, "Nasusulat, 'Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos!'"
                
13 Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon. 

18 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Mateo 25:31-46

31 "Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.'
                
37 "Sasagot ang mga matuwid, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?'
                
40 "Sasabihin ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.'
                
41 "Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.'
                
44 "At sasagot din sila, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?'
                
45 "At sasabihin sa kanila ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.' 46 Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan." 

19 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Mateo 6:7-15

7 "Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. 9 Ganito kayo mananalangin,

'Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.

10 Nawa'y maghari ka sa amin.
Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.

11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw; 
12 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.

13 At huwag mo kaming hayaang matukso,
kundi iligtas mo kami sa Masama!' 
                
14 "Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang iba,  hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan."

20 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Lucas 11:29-32

29 Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, "Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon." 

21 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Mateo 7:7-12

7 "Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 9 Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? 10 Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!
                
12 "Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta." 

22 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Mateo 16:13-19

13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?" 14 At sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta." 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?" 16 Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit."

23 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Mateo 5:43-48

43 "Narinig ninyong sinabi, 'Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.' 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
               
46 "Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit."

24 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Lucas 9:28-36

28 Makalipas ang halos walong araw, umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may nagpakitang dalawang lalaki, sina Moises at Elias, 31 na ang mga anyo ay nakakasilaw din. Sila'y nakipag-usap kay Jesus tungkol sa nalalapit niyang kamatayan na magaganap sa Jerusalem.
                
32 Natutulog sina Pedro noon, ngunit sila'y biglang nagising at nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may kasamang dalawang lalaki. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, "Panginoon, mabuti po at nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias." Ang totoo'y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang makapal na ulap at sila'y natakot.
                
35 Isang tinig ang nagsalita mula sa ulap, "Ito ang aking Anak, ang aking Pinili. a Pakinggan ninyo siya!" 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.

25 Pebrero 2013  
Mabuting Balita: Lucas 6:36-38
36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama."
             
37 "Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo paparusahan ng Diyos. Patawarin ninyo ang inyong kapwa at kayo'y patatawarin din ng Diyos. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan ng Diyos; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo." 

26 Pebrero 2013   
Mabuting Balita: Mateo 23:1-12

1 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, 2 "Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. 3 Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral. 4 Pinagpapasan nila ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. 5 Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.  6 Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga tanging upuan sa sinagoga. 7 Gustung-gusto nilang iginagalang sila sa mga palengke, at tawaging 'guro.' 8 Ngunit kayo, huwag kayong patawag na 'guro,' sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. 9 Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. 12 Ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas." 

27   
Mabuting Balita: Mateo 20:17-28

17 Nang nasa daan na sila papuntang Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila, 18 "Pupunta tayo sa Jerusalem. Doo'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan siya ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga Hentil. Siya'y kukutyain, hahagupitin at ipapako sa krus ngunit muli siyang bubuhayin ng Diyos sa ikatlong araw."
                
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan.
                
21 "Ano ang gusto mo?" tanong ni Jesus. Sumagot siya, "Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa."
                
22 "Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi," sabi ni Jesus sa kanila. "Maiinuman ba ninyo ang kopa na malapit ko ng inuman?" "Opo," tugon nila.
                
23 At sinabi ni Jesus, "Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama."
                
24 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Dahil dito, pinalapit sila ni Jesus at sinabi sa kanila, "Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ang naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. 26 Hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, 27 at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, siya ay dapat maging alipin ninyo. 28 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami." 

28 Pebrero 2013   
Mabuting Balita: Lucas 16:19-31

19 "May isang mayamang laging nagdaramit ng mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham sa langit bilang isang parangal. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, 'Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.' 25 Ngunit sumagot si Abraham, 'Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay maligaya siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.' 

27 "Ngunit sinabi ng mayaman, 'Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap ko pong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala upang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.' 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, 'Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang sundin.' 30 Sumagot ang mayaman, 'Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.' 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, 'Kung ayaw nilang sundin ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.'"

Mga kasulyap-sulyap ngayon: