Marso 2013

01 02 03 04 05 06 07 08 09 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31


01 Marso 2013    
Mabuting Balita: Mateo 21:33-46

33 "Pakinggan ninyo ang isa pang talinhaga," sabi ni Jesus. "May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at tinayuan ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaalagaan sa mga katiwala at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 34 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga katiwala ang kanyang kaparte. 35 Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. 36 Pinapunta uli ng may-ari ang mas marami pang tauhan ngunit ganoon din ang ginawa ng mga katiwala sa mga ito. 37 Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. Sabi niya sa sarili, 'Marahil nama'y igagalang nila ang aking anak.' 38 Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak, sila'y nag-usap-usap, 'Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.' 39 Kaya't siya'y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay."
                
40 At tinanong sila ni Jesus, "Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga taong iyon?" 41 Sumagot sila, "Lilipulin niya ang mga masasamang iyon at paaalagaan ang ubasan sa ibang katiwala na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas."
                
42 Nagpatuloy si Jesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?

'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan.

Ginawa ito ng Panginoon,
at ito'y kahanga-hangang pagmasdan!'
                
43 "Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong tapat na maglilingkod sa kanya. 44 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray."
                
45 Narinig ng mga punong pari at ng mga Pariseo ang mga talinhaga ni Jesus at naunawaan nilang sila ang pinapatamaan niya. 46 Siya'y dadakpin sana nila ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na si Jesus ay isang propeta.

02 Marso 2013    
Mabuting Balita: Lucas 15:1-32

1 Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, "Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito." 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito.

              
4 "Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!' 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi."

8 "O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!' 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan."


11 Sinabi pa ni Jesus, "May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.' At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, 'Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila."' 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.


"Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.' 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.' At sila nga'y nagdiwang."

               
 25 "Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, 'Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?' 27 'Dumating po ang inyong kapatid!' sagot ng alila. 'Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buhay at walang sakit.' 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, 'Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!' 31 Sumagot ang ama, 'Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.'" 

03 Marso 2013    
Mabuting Balita: Lucas 13:1-9

1 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. 2 Sinabi niya sa kanila, "Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. 4 At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila."  

6 Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. "May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7 Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, 'Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!' 8 Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, 'Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9 baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.' " 

04 Marso 2013    
Mabuting Balita: Lucas 4:24-30

24 Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa dinami- dami ng mga may ketong sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria."
                
28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinakatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

05 Marso 2013    
Mabuting Balita: Mateo 18:21-35

21 Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, "Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?"
                
22 Sinagot siya ni Jesus, "Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito. 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Unang dinala sa kanya ang aliping may utang na milyun-milyong piso. 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa, 'Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.' 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.
               
 28 "Ngunit pagkaalis roon ay nakatagpo niya ang isa niyang kamanggagawa na may utang na ilang daang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg, sabay sigaw, 'Magbayad ka ng utang mo!' 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, 'Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.' 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.
                
31 "Labis na nagdamdam ang ibang mga tauhan ng hari nang malaman iyon, kaya't pumunta sila sa hari at isinumbong ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag ng hari ang malupit na lingkod. 'Napakasama mo!' sabi niya. 'Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?' 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran ang lahat ng kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid." 

06 Marso 2013    
Mabuting Balita: Mateo 5:17-19

17 "Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit." 

07 Marso 2013    

Mabuting Balita: Lucas 11:14-23

14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, "Nakapagpalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo."

                
16 May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit. 17 At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, "Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
                
21 "Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.
                
23 "Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat."

08 Marso 2013    
Mabuting Balita: Marcos 12:18-34

28 Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, "Alin po ba ang pinakamahalagang utos?"
                
29 Sumagot si Jesus, "Ito ang pinakamahalagang utos: 'Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.' 31 Ito naman ang pangalawa, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.' Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito."
                
32 Wika ng tagapagturo ng Kautusan, "Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33 At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay."
                
34 Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, "Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos." At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

09 Marso 2013    
Mabuting Balita: Lucas 18:9-14

9 Sinabi rin niya ang talinhagang ito sa mga taong mababa ang tingin sa iba at nag-aakalang sila'y matuwid. 10 "May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.' 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' 14 Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas."

10 Marso 2013    

Mabuting Balita: Lucas 15:1-32

1 Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, "Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito." 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito.

                
4 "Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!' 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi."

8 "O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!' 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan."


11 Sinabi pa ni Jesus, "May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.' At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, 'Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila."' 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila. 


"Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.' 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.' At sila nga'y nagdiwang."
                
25 "Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, 'Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?' 27 'Dumating po ang inyong kapatid!' sagot ng alila. 'Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buhay at walang sakit.' 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, 'Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!' 31 Sumagot ang ama, 'Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.'"

11 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 4:43-54

43 Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. 44 (Si Jesus na rin ang nagsabi na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) 45 Pagdating niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.
                
46 Nagpunta muli si Jesus sa Cana, Galilea. Dito niya ginawang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit 47 at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.
                
49 Ngunit sinabi ng pinuno, Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.
                
50 Sumagot si Jesus, Umuwi na kayo, gagaling ang inyong anak. Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. 51 Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak.
                
52 Tinanong niya ang mga iyon, Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?
               
Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat, tugon nila.
                
53 Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, Gagaling ang inyong anak. Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus.
                
54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea.

12 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 5:1-16
  1 Pagkaraan nito'y pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. 2 Sa lunsod na ito na malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking deposito ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata. a 3-4 Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. b
                
5 May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. 6 Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, Gusto mo bang gumaling?
                
7 Sumagot ang maysakit, Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.
                
8 Sinabi sa kanya ni Jesus, Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka. 9 Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.
               
Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.
                
11 Ngunit sumagot siya, Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.
                
12 At siya'y tinanong nila, Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka? 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat nawala na si Jesus sa karamihan ng tao.
                
14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.
                
15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.

13 Marso 2013   
Mabuting Balita: Juan 5:17-30

17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at gayundin ako. 18 Lalo namang pinagsikapan ng mga pinuno ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.

                
19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y humanga. 21 Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.
                
24 Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan, sa halip ay inilipat na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang panahon, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan din niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. 29 Sila'y muling mabubuhay; lahat ng gumawa ng kabutihan ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay paparusahan.

30 Hindi ako gumagawa dahil sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 

14 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 5:31-47

31 Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpasugo kayo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi galing sa tao ang aking patotoo; sinasabi ko ito upang kayo ay maligtas. 35 Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan, ang mga gawaing ipinapagawa sa akin ng Ama ang siya ko namang ginaganap; iyan ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.
                
41 Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. 42 Subalit kilala ko kayo; alam kong wala sa inyo ang pag-ibig ng Diyos. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, ito'y inyong tatanggapin. 44 Ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayo maniniwala sa akin? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. 46 Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. 47 Dahil hindi ninyo pinapaniwalaan ang mga isinulat niya, hindi rin ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko.

15 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 7:1-30

1 Pagkatapos nito'y nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniiwasan niya ang Judea dahil nais siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. 2 Nalalapit na noon ang Pista ng mga Tolda, isa sa mga pista ng mga Judio, 3 kaya't sinabi kay Jesus ng kanyang mga kapatid, Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng iyong mga tagasunod ang ginagawa mo? 4 Walang taong naglilihim ng kanyang ginagawa kung ang hangad niya'y maging tanyag. Ginagawa mo rin lamang ang mga bagay na ito, magpakilala ka na sa sanlibutan. 5 Maging ang mga kapatid ni Jesus ay hindi nananalig sa kanya.
                
6 Sumagot si Jesus, Hindi pa ito ang tamang panahon; sa inyo'y maaari kahit anong panahon. 7 Hindi kayo kapopootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nila, sapagkat pinapatotohanan kong pawang masasama ang mga gawa nito. 8 Kayo na lamang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta sapagkat hindi pa ito ang tamang panahon. 9 Pagkasabi nito, nagpaiwan siya sa Galilea.

10 Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista. 11 Hinahanap siya roon ng mga Judio. Nasaan kaya siya? tanong nila. 12 Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. Siya'y mabuting tao, sabi ng ilan. Hindi, inililigaw niya ang mga tao, sabi naman ng iba. 13 Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.
                
14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagsimula na namang magturo. 15 Nagtataka ang mga pinuno ng mga Judio at naitanong nila, Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?
                
16 Kaya't sinabi ni Jesus, Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. 18 Ang nagtuturo ng galing sa sarili niyang kaisipan ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay taong tapat at hindi sinungaling. 19 Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?
                
20 Sumagot ang mga tao, Isa kang hangal! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?
                
21 Sumagot si Jesus, Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. 22 Ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli kahit na hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. 23 Kung tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil sa nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag na kayong humatol batay sa nakikita, kundi humatol kayo ayon sa nararapat. 
                
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? 26 Hayan! Lantaran siyang nangangaral, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman nakilala ng mga pinuno na siya na nga ang Cristo! 27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!
                
28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat pagtiwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, 29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.
                
30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumarating ang tamang panahon.

16 Marso 2013    
Mabuting Balita:Juan 7:40-53


40 Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin! 41 Siya na nga ang Cristo! sabi naman ng iba. Ngunit mayroon namang sumagot, Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? 42 Hindi ba sinasabi sa kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David? 43 Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. 44 Gusto ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang mangahas na humuli sa kanya.


45 Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at mga Pariseo, Bakit hindi ninyo siya dinala rito?
               
46 Sumagot sila, Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad niya!
                
47 Pati ba kayo'y nalinlang na rin? tanong ng mga Pariseo. 48 Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? 49 Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya, kaya't sila'y mga sinumpa!
                
50 Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, 51 Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?
               
 52 Sumagot sila, Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.
                
53 Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat.

17 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 8:1-11

1 Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat kaya't umupo siya at nagsimula siyang magturo. 3 Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, 4 at sinabi kay Jesus, Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. 5 Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo? 6 Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.
               
Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.
                
7 Patuloy sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya. 8 At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.
                
9 Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?
                
11 Wala po, Ginoo, sagot ng babae.
               
 Sinabi ni Jesus, Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.

18 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 18:12-20

12 Muling nagsalita si Jesus sa mga Pariseo. Sinabi niya, Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.
               
 13 Sinabi naman sa kanya ng mga Pariseo, Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang kabuluhan ang ganyang patotoo.
                
14 Sumagot si Jesus, Kahit ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, totoo naman ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. 15 Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. 16 At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi lamang ako ang humahatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. 17 Nasusulat sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi. 18 Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.
                
19 Siya'y tinanong nila, Nasaan ang iyong ama?
               
Sumagot si Jesus, Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.
                
20 Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa dakong kinaroroonan ng mga lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa iyon ang itinakdang panahon.

19 Marso 2013    
Mabuting Balita: Mateo 1:16-24

16 Si Jacob ang ama ni Jose, ang asawa ni Maria na ina ni Jesus---ang tinatawag na Cristo.

                
17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.

18 Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan a si Maria nang palihim.

                
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."
                
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
                
23 "Tingnan ninyo; 'Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.' " (Ang kahulugan nito'y "Kasama natin ang Diyos").
                
24 Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria.

20 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 8:31-42

31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko; 32 makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.

                
33 Sumagot sila, Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?
                
34 Sumagot si Jesus, Pakatandaan ninyo: ang namumuhay sa kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kayo'y tunay na lalaya kapag pinalaya kayo ng Anak. 37 Nalalaman kong mula kayo kay Abraham, ngunit pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking mga aral. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.
                
39 Sumagot sila, Si Abraham ang aming ama.
               
Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, tinularan sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.
               
 Sumagot sila, Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.
                
42 Sinabi ni Jesus, Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako.

21 Marso 2013    

Mabuting Balita: Juan 8:51-59

51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.
                
52 Sinabi ng mga Judio, Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?
                
54 Sumagot si Jesus, Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama at sinasabi ninyong siya ang inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at sinusunod ko ang kanyang sinasabi. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.
                
57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?
                
58 Sumagot si Jesus, Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, Ako ay Ako Na.
                
59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo. 

22 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 10:31-42

31 Ang mga pinuno ng mga Judio'y muling dumampot ng bato upang batuhin siya. 32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, Marami akong mabubuting gawang ipinakita sa inyo mula sa Ama. Alin ba sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?
                
33 Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos, bagama't tao ka lamang.
                
34 Tumugon si Jesus, Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, Sinabi ko, mga diyos kayo? 35 Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa kanya.
                
39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit siya'y nakaalis.
                
40 Muling pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Habang naroroon siya'y 41 maraming lumalapit sa kanya. Sinasabi nila, Si Juan ay walang ginawang himala ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.
                
42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

23 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 11:45-57

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin. Kanilang sinabi, Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang Templo at pahihirapan ang ating bansa.
                
49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang pinakapunong pari noon, ay nagsabing, Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa? 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang pinakapunong pari nang taon na iyon, ipinahayag niyang dapat mamatay si Jesus alang-alang sa kanilang bansa 52 upang tipunin ang mga nakakalat na mga anak ng Diyos. 53 Mula noon, pinag-isipan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglingkod sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.
                
55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56 Hinahanap nila si Jesus sa Templo, at sila'y nagtatanungan, Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista? 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.

24 Marso 2013    
Para sa pagbabasbas ng palaspas: Lucas 19:28-40


28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, "Pumunta kayo sa susunod na nayon at matatagpuan ninyo roon ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon."
                
32 Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, "Bakit ninyo kinakalagan iyan?"
               
 34 "Kailangan po ito ng Panginoon," tugon nila.
                
35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. 36 Habang siya'y nakasakay sa asno at naglalakbay papunta sa lunsod, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37 Nang siya'y malapit na sa lunsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38 Sinabi nila, "Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!"
                
39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, "Guro, patigilin nga po ninyo ang inyong mga alagad."
                
40 Sumagot siya, "Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang siyang sisigaw."

Mabuting Balita: Lucas 22:14-23:49

14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, "Nagagalak ako na makasama kayo sa hapunang ito bago ako maghirap. 16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos."
                
17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, "Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga't hindi dumarating ang kaharian ng Diyos."
                
19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, "Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin." 20 Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, "Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.
                
21 "Ngunit kasalo ko rito ang magtataksil sa akin. 22 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kakila-kilabot ang daranasin ng taong magkakanulo sa kanya." 23 At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.
                
24 Nagtatalu-talo pa ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilalaning pinakadakila. 25 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang mga hari ng mga Hentil ay pinapanginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. 26 Ngunit hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. 27 Sino ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod.
                
28 "Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. 29 Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. 30 Kayo'y kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel."
                
31 "Simon, Simon! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa pag-aalis ng ipa sa mga trigo. 32 Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, pata- tagin mo ang iyong mga kapatid."
                
33 Sumagot si Pedro, "Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!"
                
34 Ngunit sinabi ni Jesus, "Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila."
                
35 Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, "Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?" "Hindi po," tugon nila.
                
36 Sinabi niya, "Subalit ngayon, kung kayo'y may bag o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. 37 Sinasabi ko sa inyo, dapat mangyari sa akin ang sinasabi ng Kasulatan, 'Ibinilang siya sa mga salarin,' sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na." 38 Sinabi ng mga alagad, "Panginoon, heto po ang dalawang tabak." "Sapat na iyan!" tugon niya.

39 Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, "Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso."
               
 41 Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, "Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo." [ 43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.] a
                
45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 "Bakit kayo natutulog?" tanong niya. "Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso."
                
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, 48 subalit tinanong siya ni Jesus, "Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?"
               
 49 Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, "Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?" 50 Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito.
                
51 Sinabi ni Jesus, "Tama na iyan!" Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom.
               
 52 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa pinuno ng bayan na nagparoon upang dakpin siya, "Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? 53 Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit ngayon ay panahon na ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman."
                
54 Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila, ngunit malayo ang agwat. 55 Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. 56 Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, "Kasama rin ni Jesus ang taong ito!"
                
57 Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, "Aba, hindi! Ni hindi ko nga iyan kilala!"
                
58 Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y tinanong, "Hindi ba't kasamahan ka rin nila?"
               
Ngunit sumagot siya, "Nagkakamali kayo, Ginoo!"
                
59 Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, "Kasama nga ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea."
                
60 Ngunit sumagot si Pedro, "Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!"
               
Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, "Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila." 62 Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.
                
63 Samantala, si Jesus ay kinukutya at binubugbog ng mga nagbabantay sa kanya. 64 Siya'y piniringan nila at tinatanong, "Hulaan mo nga kung sino ang sumuntok sa iyo!" 65 Marami pang panlalait ang ginawa nila sa kanya.
                
66 Kinaumagahan ay nagkatipon ang Sanedrin na binubuo ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Iniharap sa kanila si Jesus at siya'y kanilang tinanong, 67 "Sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo."
               
Sumagot si Jesus, "Sabihin ko man sa inyo ay hindi kayo maniniwala. 68 Kung tanungin ko naman kayo, hindi rin kayo sasagot. 69 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanang trono ng Makapangyarihang Diyos."
                
70 "Nais mo bang sabihing ikaw ang Anak ng Diyos?" tanong ng lahat.
               
"Kayo na rin ang nagsasabi," tugon niya.
                
71 "Hindi na natin kailangan ng mga saksi; tayo na mismo ang nakarinig mula sa sarili niyang bibig!" sabi nila.

1 Tumayo ang buong Sanedrin at dinala si Jesus kay Pilato. 2 Siya ay pinaratangan nila ng ganito, "Napatunayan po namin na sinusulsulan ng taong ito ang aming mga kababayan upang maghimagsik. Ang mga tao ay pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador at nagpapanggap pa siyang siya raw ang Cristo, na siya ay isang hari."
                
3 Tinanong siya ni Pilato,


"Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?"
 

"Ikaw na ang may sabi," tugon ni Jesus.
                
4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, "Wala akong makitang kasalanan sa taong ito."
                
5 Ngunit mapilit sila at sinasabing, "Sa pamamagitan ng kanyang mga katuruan ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na."
                
6 Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. 7 At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. 8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. 9 Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.
                
10 Samantala, ang mga punong pari naman at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang tigil ng kapaparatang kay Jesus. 11 Dahil dito, siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng mamahaling damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.
                
13 Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. 14 Sinabi niya sa kanila, "Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga taong bayan na maghimagsik. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin si Jesus. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan; wala siyang kasalanan. 16-17 Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain." 
                
18 Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, "Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!" 19 Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lunsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.
                
20 Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, 21 ngunit sumigaw ang mga tao, "Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!"
                
22 Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, "Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain."
                
23 Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Napakalakas ng kanilang sigaw 24 kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan.
                
26 Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod si Jesus.
                
27 Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya.  
28 Nilingon sila ni Jesus at sinabi, "Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, 'Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.' 30 Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, 'Tabunan ninyo kami!' at sa mga burol, 'Itago ninyo kami!' 31 Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin kapag ito'y tuyo na?"

32 May dalawa pang kriminal na inilabas ng mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [ 34 Sinabi...ginagawa: Sinabi ni Jesus, "Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."] 
               
Pinaghati-hatian ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila'y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasuotan niya. 35 Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, "Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!"
                
36 Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, "Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili."
                
38 Isinulat nila sa kanyang ulunan, "Ito ang Hari ng mga Judio."
                
39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, "Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami."

40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, "Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama." 42 At sinabi pa nito, "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na."
               
 43 Sumagot si Jesus, "Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso."
                
44 Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. 45 Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, "Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!" At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.
                
47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, "Tunay ngang matuwid ang taong ito!"

48 Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang lungkot na lungkot. 49 Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Nakita rin nila ang mga pangyayaring ito. 

25 Marso 2013    
Mabuting Balita: Lucas 1:26-38

26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"
                
29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."
                
34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.
                
35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."
                
38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.

26 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 13:21-38

21 Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, Pakatandaan ninyo: ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo.
                
22 Nagsimulang magtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. 23 Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya, 24 kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya. 25 Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, Panginoon, sino po ba iyon?
                
26 Siya ang taong aabutan ko ng tinapay na aking isinawsaw, sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, Gawin mo na ang dapat mong gawin. 28 Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon. 29 Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha.
                
30 Nang makain na ni Judas ang tinapay, kaagad itong umalis. Noon ay gabi na.
                
31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, Ngayo'y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay mahahayag din ang karangalan ng Diyos. 32 At kapag nahayag na ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at ito'y gagawin niya agad. 33 Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.
                
34 Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. 35 Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.
                
36 Saan po kayo pupunta, Panginoon? tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Jesus, Sa pupuntahan ko'y hindi ka makakasunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.
                
37 Sumagot si Pedro, Bakit po hindi ako makakasunod sa inyo ngayon? Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.
                
38 Sumagot si Jesus, Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Pakatandaan mo: bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.

 27 Marso 2013    
Mabuting Balita: Mateo 26:14-25

14 Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong pari. 15 "Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?" tanong niya. Noon di'y binayaran nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus.
                
17 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, "Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?"
                
18 Sumagot siya, "Puntahan ninyo sa lunsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, 'Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.' "
                
19 Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa.
               
 20 Nang gabing iyon, dumulog sa mesa si Jesus, kasama ang Labindalawa. 21 Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, "Tandaan ninyo, ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo!"
                
22 Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, "Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?"
                
23 Sumagot si Jesus, "Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24 Mamamatay ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!"
                
25 Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, "Guro, ako po ba?" Sumagot si Jesus, "Ikaw na ang nagsabi."

28 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 13:1-15

1 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y iniibig niya hanggang sa wakas.
                
2 Sa panahon ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkakanulo niya si Jesus sa mga Judio. 3 Nalalaman ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.
                
6 Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. Sabi niya, Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng aking mga paa?
                
7 Sumagot si Jesus, Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.
                
8 Muling nagsalita si Pedro, Hinding-hindi ko pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa! Ngunit sinabi ni Jesus, Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.
                
9 Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!
                
10 Sumagot si Jesus, Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat. 11 Dahil kilala ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.
                
12 Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya'y nangusap sa kanila, Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. 14 Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Mapalad kayo kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin.

29 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 18:1-19:42

1 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Tumawid sila sa batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. 2 Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 Pumunta doon si Judas, kasama ang ilang pinuno ng mga bantay sa Templo at isang grupo ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, ilawan at sandata. 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, Sino ang hinahanap ninyo?
                
5 Si Jesus na taga-Nazaret, sagot nila.
               
At sinabi niya, Ako si Jesus.
               
Kaharap nila noon si Judas na nagtaksil sa kanya. 6 Nang sabihin niyang, Ako si Jesus, napaurong sila at natumba.
                
7 Muli siyang nagtanong, Sino nga ba ang hinahanap ninyo?
               
Si Jesus na taga-Nazaret, sagot nila.
                
8 Sumagot si Jesus, Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito. 9 Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.
                
10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang kanang tainga ni Malco na isa sa mga alipin ng pinakapunong pari ng mga Judio. 11 Sinabi ni Jesus kay Pedro, Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Dapat kong danasin ang paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama. 12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay sa Templo at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan. 13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. 14 Si Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.
                
15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. 16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. 17 Si Pedro'y tinanong ng dalaga, Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?
               
Hindi, sagot ni Pedro.
                
18 Maginaw noon, kaya't nagsigá ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro at nagpainit din.
                
19 Tinanong si Jesus ng pinakapunong pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang mga itinuturo. 20 Sumagot si Jesus, Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.
                
22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga pinuno ng mga bantay na naroroon. Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong pari? tanong niya.
                
23 Sumagot si Jesus, Kung may nagawa akong masama, patunayan mo! Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?
                
24 Matapos ito, si Jesus ay nakagapos pa rin na ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari.

25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay patuloy na nagpapainit sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?
               
Hindi! kaila ni Pedro.
                
26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari ng mga Judio at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Jesus sa halamanan? 27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at narinig na tumilaok ang manok.
                
28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. 29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?
                
30 Sila'y sumagot, Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.
                
31 Sinabi sa kanila ni Pilato, Dalhin ninyo siya at hatulan ayon sa inyong batas.
               
Subalit sumagot ang mga Judio, Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman. 32 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.
                
33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? tanong niya.
                
34 Sumagot si Jesus, Iyan ba'y sarili mong palagay, o may ibang nagsabi sa iyo?
                
35 Tugon ni Pilato, Hindi ako Judio. Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?
               36 Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko'y hindi sa daigdig na ito. Kung sa daigdig na ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa daigdig na ito ang aking kaharian!
                
37 Kung ganoon, isa ka ngang hari? sabi ni Pilato.
               
Sumagot si Jesus, Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa daigdig, upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.
                
38 Ano ba ang katotohanan? tanong ni Pilato.
               
Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?
                
40 Hindi! sigaw nila. Hindi siya, kundi si Barabbas! Si Barabbas ay isang tulisan. 

1 Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. 2 Ang mga kawal ay kumuha ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube at 3 bawat isa'y lumalapit sa kanya at patuyang bumabati, Mabuhay ang Hari ng mga Judio! At kanilang pinagsasampal si Jesus.
                
4 Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan sa kanya! 5 At inilabas nga si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, Sige! Pagmasdan ninyo siya!
                
6 Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!
               
Sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, bahala kayong magpako sa kanya dahil wala akong makitang kasalanan sa kanya.
                
7 Sumagot ang mga Judio, Ayon sa aming kautusa'y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya'y nagpapanggap na Anak ng Diyos.
                
8 Nang marinig niya ang sinabi nila, lalong natakot si Pilato. 9 Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, Taga-saan ka ba? Subalit hindi tumugon si Jesus. 10 Muling nagtanong si Pilato, Ayaw mo bang makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?

11 Sumagot si Jesus, Magagawa mo lamang iyan sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.
                
12 Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa niyang hinangad na palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Emperador.
                
13 Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa hukuman, sa dakong tinatawag na Plataporma, Gabatha sa wikang Hebreo.
                
14 Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, Narito ang inyong hari!
                
15 Sumigaw sila, Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!
               
Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari? tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, Wala kaming hari kundi ang Emperador!
                
16 Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y maipako sa krus. 

Kinuha nga nila si Jesus. 17 Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y Lugar ng Bungo, Golgotha sa wikang Hebreo. 18 Pagdating doon, siya'y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. 19 Isinulat ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa krus: Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio. 20 Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya't ipinagpilitan ng mga punong pari kay Pilato, Hindi sana ninyo isinulat ang Ang Hari ng mga Judio, kundi, Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.
                
22 Ngunit sumagot si Pilato, Ang naisulat ko'y naisulat ko na.
                
23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang panlabas na kasuotan at pinaghati-hati sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya't nag-usap-usap ang mga kawal, Huwag nating punitin ito; daanin na lamang natin sa palabunutan para malaman kung kanino ito mapupunta. Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,

Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
at nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang aking damit.
               
Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.
                
25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, Ina, ituring mo siyang sariling anak!
                
27 At sinabi niya sa alagad, Ituring mo siyang iyong ina! Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.
                
28 Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, Nauuhaw ako!
                
29 May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig. 30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, Naganap na! Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga. 

31 Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Jesus. 33 Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na ito, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ang nagpahayag upang kayo'y maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya.
                
36 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, Walang mababali isa man sa kanyang mga buto. 37 At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.
                
38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus, ngunit palihim lamang dahil sa takot niya sa mga Judio. Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama rin niya si Nicodemo, ang taong nagsadya kay Jesus isang gabi. May dala siyang pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango habang binabalot sa isang mamahaling tela, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.

30 Marso 2013    
Mabuting Balita: Mateo 28:1-10
1 Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng sanlinggo, lumakad si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan ni Jesus. 2 Biglang lumindol nang malakas. Bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. 3 Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. 4 Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay. 5 Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, "Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6 Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang pinaglibingan sa kanya. 7 Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! At papunta na siya sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Iyan ang balitang hatid ko sa inyo."
                
8 At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.
                
9 Ngunit sinalubong sila ni Jesus at sinabi, "Magalak kayo!" Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Huwag kayong matakot! Magmadali kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!"

31 Marso 2013    
Mabuting Balita: Juan 20:1-9
1 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. 2 Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!                 

3-4 Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. 5 Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. 6 Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, 7 at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. 8 Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. 9 Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: