Emo

Gospel Reflection

Ikatlong Linggo ng Muling Pagkabuhay
01 Mayo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 14 Abril 2013.)


Tatlong beses tinanong ni Hesus si Pedro, "iniibig mo ba ako?" 

Tatlong beses din tumugon si Pedro ng "Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo."

Mabigat ang tanong ni Hesus para kay Pedro. Tatlong beses ang tanong katumbas ng tatlong beses niyang pagkakaila rito nang nililitis ang Panginoon-- na sinundan ng pagtilaok ng manok.

Kung mga netizen ang makaririnig ng tanong ng Panginoon, malamang sabihin nilang emo si Hesus. Emotero sa madaling salita. Masyadong ma-drama. 

Ayaw kasi natin ng masyadong emotero. Ayaw nating masyadong tingnan ang madadramang bahagi ng buhay ng ibang tao. Pero kung tayo ang magpo-post ng mga kadramahan natin sa ating fb wall-- ng mga hugot, gusto natin lahat ng friends natin ay mag-comment o mag-share o mag-like.

Nage-emo si Hesus kay Pedro. Mahalaga para sa Kanya ang isasagot ni Pedro na siyang magiging lider ng Kanyang simbahang pisikal Niyang iiwanan. Pisikal na iiwanan dahil hindi naman talaga Niya ito iiwanan, katunayan, ipadadala pa Niya ang Banal na Espiritung magiging lakas ng Kanyang mga tagasunod.

Inihabilin ni Hesus kay Pedro ang Kanyang simbahan, "pakainin mo ang aking mga tupa." Si Pedro ang kauna-unahang papa ng ating simbahan. Sa kanya inihabilin ni Hesus ang pangangailangan ng Kanyang kawan-- lalo na ang pangangailangan nitong espiritwal.

Ang ebanghelyo natin ay nag-umpisa sa pangingisda ng mga apostol. Matatandaan natin ang pagsisimula ng pagsunod nila kay Hesus. Halos magkahawig ang mga pangyayari noon nang sabihin ng Panginoon kay Pedro, "Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin."  (Lucas 5:1-11)

Para bang nage-echo sa isipan natin ang misyon ng bawat Kristiyano-- ang maging tagapamalakaya ng mga tao. Ang hulihin ang mga tao patungo kay Hesus. At katulad din ni Pedro, nage-emo sa atin si Hesus, "iniibig mo ba ako? Pakainin mo ang Aking mga tupa." 

Dumarami ang mga insidente ng suicide lalo na sa mga kabataan. Ipinapakita ng mga istatistika ang pagkagutom ng marami sa atin. Pagkagutom na higit pa sa pagkalam ng sikmura. Pagkagutom sa pagmamahal, kahulugan at atensyon.

Iniibig mo ang Diyos? Paano mo pinakakain ang Kanyang mga tupa?

Panalangin:  

O mahal naming Ama, bukal ng walang-hanggang awa, purihin, luwalhatiin at sambahin Ka ng aming mga pusong sabik sa Iyong pagmamahal. 

Tulungan Mo po kaming matutunang ibigin Ka ng aming buong lakas, buong isip, buong kaluluwa at buong puso. Turuan Mo rin po kaming ibigin ang aming kapwang katulad namin ay dumaraan sa maraming pagsubok. Magawa sana naming mag-ibigan katulad ng pag-ibig Mo sa amin.

Idinadalangin po namin ang aming Santo Papa, bigyan Mo po siya ng sapat na kalusugan, lakas at talino upang magawa Niyang harapin ang mga problemang kinakaharap ngayon ng aming simbahan. Katulad ni Pedro, batid naming magiging mabuti siyang pinuno at halimbawa sa lahat ng mga Katoliko sa mundo.

Gayundin po, ipinapanalangin po namin ang aming mga obispo, ang buong kaparian at silang mga binigyan mo ng responsibilidad na pangalagaan ang iyong kawan. Ipadala Mo po sa kanila ang Espiritu Santo upang magawa nila ang kanilang mga tungkulin ng may pag-ibig.

Inaangkin po namin ang aming mga misyon bilang mga binyagan, sa ngalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, aming Diyos na aming iniibig sa pamamagitan din ng pag-ibig sa aming kapwa. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: