Malaya Kang Gumalaw


Linggo ng Pentekostes
05 Hunyo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 19 Mayo 2013.)


Sa Linggong ito, ginugunita natin ang pagbaba ng Espiritu Santo sa mga apostol na itinuturing ring birthday o kaarawan ng ating simbahan.

Ikalimampung araw matapos ang muling pagkabuhay ni Hesus, tinanggap ng mga apostol ang Gabay upang ipagpatuloy ang gawain ni Hesus-- ang ipalaganap ang mabuting balita ng kaligtasan.

Tinatanggap din natin ngayon ang hamon ng pagpapakilos ng Espiritu ng Diyos sa ating mga buhay-- sa ating paglilingkod sa Kanya sa iba't-ibang paraan at sa pang-araw-araw nating mga buhay.

Ipinahayag ni San Pablo sa mga taga-Corinto:

"Iba't iba ang mga espiritwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba't iba ang mga gawaing iniatas, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binigyan ng kaloob na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu." (1 Corinto 12:4-7)

Tinanggap na natin bilang mga binyagan ang Espiritu Santo na lalong pinagtibay nang tayo'y kumpilan. Kalakip nito ang ating pagtanggap sa misyon ni Hesus bilang haring naglilingkod, propetang nagpapahayag ng Mabuting Balita at paring naghahandog.

Tuwing sasabihin nating tayo'y mga Katoliko, ipinahahayag nating tinatanggap natin ang Espiritu Santo at ang mga kaloob nito: kaalaman, pang-unawa, mabuting kahatulan, katapangan, karunungan, paggalang at takot sa Diyos (Isaias 11:1-2). 

At dapat makita sa buhay natin ang mga bunga nito:

"Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makasariling pagkatao, pati na ang mga masasamang hilig nito." (Galacia 5:22-24)

Bilang mga Katoliko, hindi gano'n kadaling tahakin ang tamang daan patungo sa Ama subalit kakayanin natin kung sa ngalan ni Hesus ay mananatili tayo sa paggabay ng Espiritu Santo.

O Espiritu Santo! Malaya Kang gumalaw sa mga buhay namin at papag-alabin Mo ang aming mga pusong umaasa sa pag-ibig at awa ng Diyos.

Panalangin:

O aming Amang bukal ng awa! Purihin at sambahin Ka ng mga abang lingkod Mo. Kami po'y naninikluhod at inaamin po naming si Hesus ay namatay sa krus dahil sa aming mga pagkakasala. Sa pamamagitan po ng Kanyang muling pagkabuhay, itulot po Ninyong kamtin namin ang kaligtasan.

Batid po naming hindi Kami karapat-dapat at wala po kaming magagawa kung sa ganang sarili lamang namin, subalit ipinagkaloob Mo sa mga abang tulad namin ang Banal na Espiritung tagapagpabanal. Patuloy Niya kaming ginagabayan sa bawat oras ng aming mga buhay. Itinuturo Niya sa amin ang tama at mali upang magawa naming sundin ang Iyong kalooban.

Ama, papagningasin mo ang Espiritu Santo upang maramdaman namin Siya sa aming buhay; upang sa panahon ng taglamig kami'y kumutan Niya ng Iyong pag-ibig at upang sa kadiliman, liwanag ni Hesus ang aming maging tanglaw. Palisin nawa Niya ang lahat ng takot, pag-aalinlangan, kahungkagan at lahat ng sagabal sa paglapit namin sa Iyo.

Sa Espiritung Banal po kami umaasa. Hindi sa aming talino at kakayahan o sa aming kapangyarihan at salapi. Wala pong kabuluhan ang lahat ng aming mga pangarap at pagsisikap kung wala Ka sa aming pagkatao. 

Gamitin Mo po Kaming instrumento upang maihatid natin ang Mabuting Balita sa aming kapwang katulad din nami'y may mga dalahin sa kanilang puso. Makita po nawa nila sa buhay namin ang mga bunga ng Espiritu Santong kaloob Mo.

Lahat ng ito, sampu ng aming mga kahilinga'y itinataas namin sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: