Malayo Pero Malapit Pa Rin

Gospel Reflection

Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat Sa Langit ng Panginoon
29 Mayo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 12 Mayo 2013.)


Sa ebanghelyo natin ngayon, mababasa natin ang account kung paanong umakyat si Hesus sa langit. Naiwan Niyang mangha at sumasamba ang kanyang mga alagad na hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari.

Inaresto si Hesus. Nahatulang ipako sa krus. Namatay Siya. Inilibing. At matapos ang tatlong araw ay muli Siyang nabuhay. Nagpakita sa kanyang mga alagad na puno ng takot sa kanilang mga pinunong Hudyo at mga Romano. Ngayon nga'y nasaksihan nila kung paanong umakyat sa langit si Hesus upang lumuklok sa kanan ng Ama.

Iniwan sila ni Hesus subalit isusugo sa kanila ang ipinangako ng Ama. Pinagbilinan Niya silang huwag silang aalis sa Jerusalem hangga't hindi sila napagkakalooban ng kapangyarihang buhat sa langit-- ang Espiritu Santo.

Wala na si Hesus sa piling nila subalit nanatili silang masayang-masaya at hindi nababahala. Katunayan palagi silang nasa templo at doo'y nagpupuri sa Diyos. Malayong-malayo ang kanilang mga emosyon sa mga alagad na balot ng takot at nagkukulong sa loob ng bahay nang mamatay si Hesus.

Wala pa sa kanila ang Espiritu Santo. Wala na ang kanilang Guro at Panginoon subalit bakit gano'n na lang ang kanilang kapayapaan? 

Dahil alam nilang malayo man si Hesus-- kahit na umakyat na Siya sa langit-- ay malapit pa rin Siya. Alam nilang kasama pa rin nila Siya. Malayo man si Hesus ay malapit pa rin.

Bilang mga saksi ng kaluwalhatian ni Hesus, tinanggap nila sa kanilang mga puso ang kanilang misyong ipangaral sa lahat ng bansa ang pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan sa pangalan ni Hesus. Ang misyong ito'y pinagtibay nang tanggapin nila ang Espiritu Santo sa Pentekostes.

Marami sa atin ang naghahanap ng Diyos. Madalas tayong tumingala sa langit. Marami ring nagtutungo pa sa malalayong lugar upang doon magsimba. Naghahanap tayo ng kahulugan at kabuluhan sa ating buhay.

Akala kasi natin ay malayo si Hesus-- dahil malayo ang langit. Nalimutan nating nasa lahat ng lugar ang Kanyang presensya. Kasama natin Siya. Naroon Siya sa ating mga puso.

Ang pag-akyat Niya sa langit ay nagpapakita lamang ng tunay na pagka-Diyos ni Hesus. Na Siya ang tunay na Bugtong na Anak ng Diyos. Ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Subalit hindi ito nangangahulugang malayo Siya sa atin.

Patuloy nating sambahin ang Ama sa pamamagitan ni Hesus kasama ng Espiritu Santo sapagkat ang ating Panginoon ay malayo man ay napakalapit pa rin.

Panalangin:

O aming Amang nagsugo kay Hesus upang iligtas kami sa kasalanan, sambahin at purihin Ka ng aming puso't isipang nakatuon sa Iyo. Ang aming mga buhay ay itinataas namin sa Iyo sa Pangalan ni Hesus na umakyat sa langit at ngayo'y naluluklok sa kanan Mo.

Hayaan Mo pong maranasan namin ang kaligayahang naramdaman ng mga apostol nang masaksihan nila ang pag-akyat sa langit ni Hesus. Ang Kanya nawang kapayapaan ay manatili sa amin sa pagharap namin sa mga problema at mga pagsubok sa aming buhay.

Itinataas din po namin sa Inyo ang darating na eleksyon sa aming bansa. Turuan Mo po kaming bumoto ng tama. Pakinggan po sana namin ang aming konsensya at suriing maigi ang mga qualifications ng mga kandidato. Panatiliin Mo pong payapa at matagumpay ang eleksyon.

Gayundin po, idinadalangin din po namin ang mga ina lalo na po sa kanilang espesyal na araw. Maipaabot po sana namin sa kanila ang aming pag-ibig at pasasalamat sa lahat ng kanilang mga pagsasakripisyo para sa amin.

Ang lahat po ng ito'y itinataas namin sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: