Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
26 Hunyo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 30 Hunyo 2013.)
"Many were called but few were chosen"
("Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili." - Mateo 22:14)
Buhat nang ako'y maging laykong lingkod ng Parokya ni San Antonio de Padua sa Malabon, lagi ko nang naririnig ang mga katagang ito sa mga taong nakakasalamuha ko. Siguro'y dahil sa kasimplehan ng katotohanang inihahayag ng nasabing berso sa Bagong Tipan.
Araw-araw tayong tinatawag ng Diyos sa buhay-paglilingkod. Lagi Niya tayong hinihikayat na lumapit sa Kanya gamit ang ibang tao at ang iba't-ibang medya. Nauna Siyang umibig sa atin at ang pagtugon natin sa pag-ibig Niya ay hinihintay Niya mula sa ating Kanyang mga ampong anak. Tayo'y mga anak Niya sa pamamagitan ng mapagpalang pagliligtas ni Hesus, ang Kordero ng Diyos.
Kaya lang, sa kabila nito, marami sa atin ang nagkikibit-balikat na lamang sa pagtawag na ito. Marami sa atin ang binabalewala ang mga paraan ng Diyos na lumapit sa atin. Ito na ang kaso noong panahon ng Lumang Tipan hanggang sa panahon ni Hesus hanggang sa panahon ngayon. Bingi ang mundo sa tinig ng Diyos.
"Makinig ang may pandinig!" (Mateo 11:15)
Kailan ka maglilingkod sa Kanya? Kung hindi ngayon, kailan pa? Kailan ka magpupuri sa Kanya? Kapag ba hindi mo na maitaas o maipalakpak ang iyong mga kamay? Kailan ka lalapit sa kanya? Kapag ba hindi ka na makabangon sa banig ng iyong karamdaman?
Lagi ngang sinasabi ng isang elder ng community namin noon, mapalad ang mga kabataang naglilingkod sa simbahan dahil sa murang edad ay nakilala agad nila si Kristo. Samantalang siya, matanda na siya nang maramdaman niya ang pag-ibig ng Diyos. Kung hindi lang sana niya binalewala ang mabuting balita noong kabataan pa niya. Sayang! bulalas pa niya.
Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, tinanggihan ng mga taga-Samaria ang Mabuting Balitang hatid ni Hesus. Kadahilanang-historikal ang dahilan nila upang tanggihan si Hesus na patungong Jerusalem. (At dahil sa tinuran ng magkapatid na Santiago at Juan kay Hesus-- Lucas 9:54, mula noo'y tinawag silang mga Anak ng Kulog.)
May ilan namang mga lumapit kay Hesus na nag-alok o tinawag sa paglilingkod. Ilan sa kanila ay patalinghagang tinugon ni Hesus:
"May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao'y walang sariling tahanan."
"Hayaan mong mga patay ang magpalibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos."
"Ang sinumang nag-aararo at palingun-lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos."
Una, kung maglilingkod ka ay huwag kang umasa ng kapayapaan at kaginhawahan sa buhay. Karugtong ng paglilingkod ang mga pag-uusig. Hindi ito dapat gamitin ng mga taong gusto lang magpasikat.
Ikalawa, sa paglilingkod, namamatay na ang dati mong sarili at muling isinisilang ang bagong ikaw sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesus. Hindi ka na kasama ng mga patay-- ng mga makasalanang hindi pa tumatanggap sa buhay na kaloob ng Diyos.
Ikatlo, hindi mo na babalikan ang iyong mga dating gawi. Hindi mo na babalikan ang dating ikaw. Ni hindi mo na ito lilingunin. At sa paglipas ng mga araw, unti-unti kang magiging katulad ni Hesus.
Hinihingi ng Diyos ang ating one hundred percent. Ang ating best effort. Siya ang dapat na una, ang ating top priority.
Sa linggong ito, tinatawag tayo ni Hesus. Para bang nage-echo sa atin ang sinabi Niya sa Ebanghelyo natin noong nakaraang linggo:
"Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito."(Lucas 9:23-24)
Muli, sa paggabay ng Espiritu Santo, makinig ang may pandinig!
Panalangin:
O Diyos naming Ama, ang lahat ng pagsamba at pagpupuri ay alay namin sa iyo. Angkinin mo ang aming pusong umiibig sa Iyo at ang aming diwang laging nakatuon sa Iyong kaluwalhatian.
Ipadala Mo po sa amin ang iyong Banal na Espiritu, bigyang liwanag nawa Niya ang landasin patungo sa Iyong Anak na natatanging Daan patungo sa Iyo. Gabayan nawa Niya kami upang marinig namin ang Iyong pagtawag sa aming kaluluwa. Kumpletuhin Mo po ang aming buong pagkatao sa pagtighaw mo sa aming pagkauhaw na maglingkod sa Iyo, nag-iisang Diyos.
Gabayan din po Ninyo ang aming Santo Papa, mga obispo, mga pari at mga madre-- silang mga ganap na nag-alay ng kanilang mga buhay para sa patuloy na pagpapalaganap ng Iyong Mabuting Balita sa lahat ng sulok ng daigdig. Bigyan Mo po sila ng lakas, katatagan ng isip at damdamin upang magawa nilang panindigan ang Iyong mga turo't aral.
Gabayan Mo po ang mga laykong lingkod at mga katekista, sumalamin nawa sa kanilang mga pang-araw-araw na pamumuhay ang kabutihan at pagmamahal Mo.
Gabayan Mo po ang mga pamilya, ang maliit na simbahang pinag-uusbungan ng aming pananampalataya. Magawa sana ng mga magulang na ibahagi sa kanilang mga anak ang Iyong pag-ibig. Sina Ama at Ina ang aming mga unang katekista. Ilayo mo po ang institusyong ito sa lahat ng mga pagbabantang mula sa lahat ng mga panukalang maaaring makasira sa katatagan nito.
Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.