Pakiusap, Basahin Mo Ito

Gospel Reflection

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon
28 Hulyo 2019
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 28 Hulyo 2013.)


Mahalagang sangkap ng buhay-pananampalataya natin bilang mga Katoliko ang pananalangin. Ang lahat ng mga Sakramento at mga katolikong seremonyas sa loob at labas ng ating mga simbahan ay nagsisimula at nagtatapos sa pananalangin.

Tanda ko pa noong mga bata pa kami ng isa kong kapatid, binabasa namin bago matulog ang isang panalanging ingles na nasa likod ng isang istampita ng Sacred Heart of Jesus. Nakaugalian ko iyon hanggang sa makarating ako ng high school.

Nang maging miyembro ako ng Columbian Squires noong high school ako, natutunan ko ang pagrorosaryo. Nakaugalian kong dasalin ang dasal-debosyong iyon sa ating Mahal na Inang Maria tuwing gabi sa aking kuwarto. Kapag nga may bisita sa bahay at dinig ko ang ingay sa kuwarto, lumalabas pa ako at nagpupunta sa likod-bahay para magrosaryo.

Isang hapon noon, may activity ang Squires at wala pang dumarating na participants. Wala ang aming adviser at ako ang isa sa mga officers. Tinawagan ko ang adviser namin at sinabi ko ang sitwasyon. Walang kagatul-gatol niyang sinabing magdasal ako sa loob ng Eucharistic Adoration Chapel. Iyon nga ang ginawa ko at paglabas ko sa chapel matapos ang labing-limang minutong pagdarasal, may mga participants nang dumating. Natuloy ang activity.

Buhat noon, sumampalataya ako sa kapangyarihan ng panalangin. Kapag may activity o kaya'y gaganap ako sa isang gawain, naging ugali ko nang pumasok muna sa Adoration Chapel para magdasal.

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, tinuturuan tayo ni Hesus na magdasal. Ini-encourage din Niya tayong angkinin ang ating karapatang tawaging "Ama" ang Diyos. Na makipag-usap tayo sa Diyos Ama bilang mga anak sa pamamagitan ni Hesus.

Ipinaalala Niya sa atin ang kabutihan ng Diyos at kung paanong pinakikinggan Niya ang ating mga hinaing at pagsusumamo. 

"...humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan." (Lucas 11:9)

Hindi tayo pababayaan ng Diyos. Kung tayo ngang mga makasalanan ay hindi natin pinababayaan ang ating mga anak, ang atin pa kayang Amang walang hanggan ang kabutihan ang makalilimot sa atin?

Anumang hingin natin sa Ama, maging imposible man. Basta alam ng Diyos na makabubuti sa atin, angkinin na natin sa ngalan ni Hesus. Oo, in Jesus' name, sigurong matutupad.

Teka, kung ikaw nga na pinakiusapan kong basahin ang gospel reflection na ito, pinagbigyan ako kahit na busy ka at tinatamad magbasa. Ang Diyos pa kaya ang hindi magbigay sa iyong mga pakiusap?

Panalangin:

O aming Amang laging nakikinig sa aming mga daing, narito po kaming Iyong mga ampong anak, sinagip ng Iyong Anak na si Hesus mula sa kamatayang dulot ng kasalanan, na sa Iyo'y laging nagtitiwala. Inilalagay po namin sa Iyong mga kamay ang aming buong buhay at pagkatao. Ang lahat ng ito'y nagmula sa Iyo at muli naming ibinabalik sa Iyo.

Idinadalangin po naming ipagkaloob mo sa aming lagi ang Iyong Banal na Espiritung Siyang aming Gabay, Tagapagpabanal at Tagapagkaloob ng Iyong mga biyayang kailangang-kailangan namin sa araw-araw. Nawa po, sa pamamagitan Niya, matutunan din naming magkaloob sa aming kapwa katulad ng walang kapaguran mong pagkakaloob sa amin.

Turuan Mo po kaming makuntento at ipagpasalamat ang lahat ng ito, maging ang kaliit-liitang mga biyaya, na nagmumula sa Iyo. 

Sa mga pagkakataong nahihirapan kaming manalangin at hindi namin mabigkas ang mga salita, buksan Mo po ang aming mga puso upang ito ang mangusap sa Iyo. Batid Mo po ang laman nito. Alam Mo po ang mga tunay naming ninanais. Kung Iyo pong kalooban, alam po naming ipagkakaloob Mo ito sa tamang panahon.

Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

(Bigkasin ang Ama Namin.)


Mga kasulyap-sulyap ngayon: