28 Hulyo - 03 Agosto 2019



"Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo." (Mateo 13:40)

28 Hulyo
29 Hulyo
30 Hulyo
31 Hulyo
01 Agosto
02 Agosto
03 Agosto


28 Hulyo 2019
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo: ‘Ama, sambahin nawa ang ngalan mo....”  (Lucas 11:2)


Sta. Marta de Betania
29 Hulyo 2019
Pagbasa: 1 Juan 4:7-16; Salmo: Awit 34:2-11;
Mabuting Balita: Lucas 10:38-42

38 Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. 39 May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. 40 Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.”

41 Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; 42 isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”


San Pedro Crisologo
30 Hulyo 2019
Pagbasa: Exodo 33:7–34:28; Salmo: Awit 103:6-13;
Mabuting Balita: Mateo 13:35-43

35 Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.”

36 At pinaalis niya ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” 37 Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. 39 Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel.

40 Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. 41 Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. 42 At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. 43 At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!


San Ignacio de Loyola
31 Hulyo 2019
Pagbasa: Exodo 34:29-35; Salmo: Awit 99:5-9;
Mabuting Balita: Mateo 13:44-46

44 Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.

45 Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. 46 Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.


San Alfonso Maria
de Ligorio
01 Agosto 2019
Pagbasa: Exodo 40:16-38; Salmo: Awit 84:3-11;
Mabuting Balita: Mateo 13:47-53

47 Naihahambing din ang kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. 48 Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. 49 Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; 50 at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”

51 At itinanong ni Jesus: “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. 52Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.”

53 Nang matapos ni Jesus ang mga talinhagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.


San Eusebio de Vercelli at
San Pedro Julian Eymard
02 Agosto 2019
Pagbasa: Levitico 23:1-37; Salmo: Awit 81:3-11;
Mabuting Balita: Mateo 13:54-58

54 Pumunta siya sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? 55 Di ba’t siya ang anak ng karpintero? Di ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” 57 At bulag sila tungkol sa kanya.

Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” 58At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.


03 Agosto 2019
Pagbasa: Levitico 25:1-17; Salmo: Awit 67:2-8;
Mabuting Balita: Mateo 14:1-12

1 Nang panahong iyon, umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. 2 At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.”

3 Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. 4 Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” 5 Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta.

6 Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. 7 Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. 8 At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”

9 Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. 10 At  pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; 11 inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina.
12 At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.

28 Hulyo
29 Hulyo
30 Hulyo
31 Hulyo
01 Agosto
02 Agosto
03 Agosto

Mga kasulyap-sulyap ngayon: