First Thing In The Morning

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
31 Hulyo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 04 Agosto 2013.)


"Don't ask me about being a writer. lf when you wake up in the morning you can think of nothing but writing...then you're a writer."

Ang nasa itaas na quote ay mula sa librong Letters To A Young Poet ni Rainer Maria Rilke. Una kong narinig ang quote na ito sa pelikulang Sister Act 2: Back in the Habit na pinagbibidahan ni Whoopi Goldberg.

Tumatak ito sa isip ko buhat noon. Ano nga ba ang naiisip ko tuwing gigising ako sa umaga? Hindi man nito masasabi kung ano ako. Sinasalamin naman nito kung ano ang aking mga priorities at mga hangarin sa buhay.

Noong kabataan ko, paggising ko pa lang sa umaga ay wala na akong inisip kundi kung paano tapusin ang isinusulat kong pocketbook, script, tula o maikling kuwento. Lagi akong nasa harap ng aking makinilya noong una at sa harap ng computer nang kalaunan. Para akong sinasanibang walang ginawa kundi ang magsulat. Para akong adik na hinahanap-hanap ng katawan ko ang pagsusulat.

Kasabay ng paglilingkod sa simbahan, ang pagsusulat ang buhay ko noon. Wala akong ibang iniisip. Walang ibang pinagkakaabalahan. 

Hanggang dumating ang araw na i-reinvent ko ang sarili ko. Nag-aral ako ng computer. Mula sa hardware hanggang sa software. Ngayon nga'y nagtatrabaho ako bilang all-around sa computer-- encoder, technician, programmer

Ngayon, paggising ko, iniisip ko ang aking anak. Huhugasan ko 'yung mga bote n'ya ng dede. Ipinapasyal ko siya sa labas para tumingin ng mga ibon. Tuwang-tuwa kasi siya sa mga birds. Pagbalik namin sa bahay ay pakakainin siya ni Misis. Saka lang kami mag-aayos para pumasok. Habang nagtatrabaho, nagba-blog ako. Iniisip ko kung paano tatapusin ang aking mga blogposts. Sinisikap kong makapag-ambag sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.

Sa ating ebanghelyo ngayong linggo, makikita natin kung ano ang priority sa buhay ng lalaki sa parabula ni Hesus. Iyon ay ang magtrabaho at magpayaman upang sa huli ay magpakasarap at mag-enjoy sa buhay.

"Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay!" (Lucas 12:19)

Pinag-iingat tayo ni Hesus sa mga ganitong kaisipan. Lalo na sa kasakiman. 

Kulturang "ako muna bago ang iba" ang namamayani sa marami sa atin ngayon. Maraming wala nang inisip kundi ang kung paano madaragdagan ang kanilang kayamanan at kapangyarihan. Nakakatakot ang ganitong isipin. Kung magiging ganito ang kaisipan nating lahat, magiging napakagulo ng mundo.

Itinuturo sa atin ni Hesus kung ano ang dapat nating i-priority at iyon ay ang kayamanang hindi nabubulok o nananakaw upang hindi tayo maging dukha sa paningin ng Diyos.

"Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon." (Mateo 13:45-46)

Ikaw, ano ang una mong naiisip sa paggising mo sa umaga? Maaaring ito na ang huling araw sa buhay mo. Mabuhay ka na para bang ito na ang huling araw. 

Panalangin:

O aming Ama, Iyo ang lahat ng aming papuri, pagluwalhati at pagsamba. Ikaw ang bukal ng aming buhay, lakas at kalusugan. Lingapin Mo po ang Iyong mga anak na sa Iyo lamang umaasa.

Turuan mo po kaming ipagpasalamat ang lahat ng mga biyayang dumarating sa aming buhay. Tulungan Mo po kaming i-appreciate ang bawat umaga. Matuto sana kaming bilangin ang aming mga biyaya at huwag hanapin ang mga wala sa aming madalas na hindi naman talaga namin kailangan.

Gabayan nawa kami ng Espiritu Santo upang hanapin namin ang yamang nagmumula sa Iyo. Opo, Panginoon, ang pag-ibig mo ang pinakamahalagang kayamanang maaari naming kamtin at si Hesus ang natatanging kaloob na mula sa Iyo. Magawa nawa naming mag-ipon ng mga kayamanan sa langit upang maging handa kami sa panahong tawagin Mo na kami.

Magawa nawa naming i-manage ang aming mga buhay upang magawa naming unahin ang mga tunay na mahahalaga.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari ngayon at magpasawalang-hanggan. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: