Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon - 04 Agosto 2019



“Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.”  (Lucas 12:15)


Mangangaral 1:2; 2:21-23

Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay, sinabi ng Mangangaral. 

Lahat ng ginawa ng tao’y pinamuhunanan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay maiiwan lamang sa susunod sa kanya. Ito ma’y walang kabuluhan. Anuman ang gawin ng tao ay nagdudulot ng kabiguan at sakit ng kalooban. Anumang gawin ng tao’y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pagiisip. Ito man ay walang kabuluhan.

Salmo: Awit 89

Tugon: Poon, amin kang tahanan 
           noon, ngayon at kailanman!

Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok, 
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos. 
Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw, 
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang; 
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan. 

Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis, 
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip. 
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak, 
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas. 

 Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon, 
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong. 
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon, 
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon? 

Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig, 
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit. 
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain, 
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin!  

Ikalawang Pagbasa: Colosas 3:1-5. 9-11

Mga kapatid: Binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya’t ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan. 

Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito at nagbihis na ng bagong pagkatao. Patuloy itong nababago ayon sa larawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang maging ganap ang inyong kaalaman tungkol sa kanya. Kaya’t wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Kay Kristo, walang pagkakaiba ang lahat at siya’y sumasalahat. 

Mabuting Balita: Lucas 12:13-21

Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya, “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” 

At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” 

At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinghagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, “Ayan, marami na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habang-buhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!” ’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ 

Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: