Extension Of God's Love

Gospel Reflection

Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon
25 Setyembre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 29 Setyembre 2013.)


Sa ating ebanghelyo ngayong Linggo, makikilala natin sa isang talinghaga ang dalawang taong pamilyar sa ating panahon-- ang isang mayaman at si Lazaro na isang dukha. 

Kung susuriin, wala namang ginawang masama ang mayaman kay Lazaro. Hindi nga niya pinakialaman ang pulubing nasa harapan ng kanyang bahay. Hinayaan lamang niya si Lazaro sa kanyang buhay. Ang totoo, masyado siyang abala sa pagpapakasarap sa kanyang buhay para intindihin pa ang isang walang kuwentang tulad ni Lazaro.

Subalit bakit siya napunta sa impyerno? Obvious ang sagot, wala siyang ginawang masama subalit wala rin siyang ginawang mabuti. Maraming katulad niya sa panahon natin ngayon. Mga bulag, bingi at manhid sa mga paghihirap ng mga makabagong Lazaro.

Ang grasya at pag-ibig ng Diyos ay katulad ng pagbabahagi ng kuryente. Ang Diyos ang main source ng kuryente at tayo ang nagsisilbing mga extension. Tayong mga tumatanggap ng biyaya ang nagsisilbing mga instrumento para makaabot sa iba ang grasya at pag-ibig Niya. Binibigyan tayo ng Diyos upang ibahagi sa iba ang ating mga tinanggap. Kung sosolohin natin ang grasyang ibinigay Niya, hindi ito makaaabot sa mga Lazaro ng mundo. 

Pakikipagkapwa ang kulang sa mga tao ngayon-- Katoliko man o hindi. Ito ang pagtupad sa ikalawang pinakadakilang utos ng Diyos, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili." (Mateo 22:39) 

Pakikipagkapwa ang kabaligtaran ng pagiging manhid sa pakiramdam at pangangailangan ng kapwa-tao. Ng pagiging abala lang sa sariling mga concerns at mga problema. Ng pagiging maramot. Ng pag-aaksaya ng pagkain ng hindi iniisip na marami ang nagugutom sa mundo. Ng pagtatapon ng basura kung saan-saan. Ng pagiging makasarili. Ng pagiging sarado sa ibang tao.

Sabi nga ni San Pablo sa mga taga-Galacia, "Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa, sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo." (Galacia 6:2)

Hindi natin magagawang mahalin ang Diyos kung hindi natin magagawang mahalin ang ating kapwa. Idalangin nating maging extension tayo ng pag-ibig Niya patungo sa mga taong higit na nangangailangan. Matuto tayong magbahagi sapagkat kung matututunan lamang ito ng lahat, wala na sanang magugutom o magiging mangmang.

Panalangin:

O aming Ama, kasama ng mga anghel sa langit, pinupuri at sinasamba Ka ng Iyong bayan.

Ang lahat po ng biyayang ito ay nagmula sa Iyo at pinasasalamatan Ka namin sa Iyong walang katapusang kabutihan sa kabila ng aming mga kakulangan at kasalanan. Magawa sana naming i-appreciate ang aming mga kalagayan at isiping mas mapalad kami kumpara sa ibang higit na nagdarahop sa kanilang mga buhay. 

Turuan Mo po kaming tulungan ang mga Lazaro ng aming panahon. Tulungan Mo po kaming makihati sa kanilang mga paghihirap bilang pakikihati sa pagpapakasakit at kamatayan ni Hesus sa krus. Tularan po sana namin ang halimbawa ng kanyang pag-ibig. Matutunan sana naming mahalin, hindi lamang ang mga taong makapagbabalik ng pag-ibig sa amin. Tandaan po sana naming ang ginawa namin sa mga maliliit sa paningin ng mundo ay ginawa namin sa Iyong Anak.

Turuan Mo po kaming makipagkapwa. Sa pamamagitan nito, maging mga buhay sana kaming extension ng Iyong pag-ibig.

Sa ngalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: