Gospel Reflection
Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon
15 Setyembre 2019
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 15 Setyembre 2013.)
Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon
15 Setyembre 2019
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 15 Setyembre 2013.)
Isang simpleng kuwento:
Araw-araw ay nagtutungo ang isang bata sa shop ng isang eskultor para manood dito habang naglililok. Isang araw isang malaking piraso ng kahoy ang dumating sa shop. Sinimulang lilukin ng eskultor ang nasabing kahoy. Mataman namang nanood ang bata.
Makalipas ang ilang araw, natapos ng eskultor ang estatwa ng isang malaking kabayo. Nagulat ang bata. Namangha sa nakita. Sa sobrang gilalas niya, naitanong niya sa eskultor:
"Paano mo nalamang nasa loob ng kahoy ang kabayo?"
Maraming tao sa panahon natin ngayon ang hindi na umaasa sa kaligtasang inaalok ni Kristo. Para sa kanila, masyado nang maraming kasalanan ang ginawa nila sa kanilang mga buhay. Na hindi na sila tatanggapin sa langit anumang pagsisikap man ang gawin nila upang magpakabuti.
Hindi natin sila masisisi dahil ang komunidad nila ay gayundin ang iniisip. Ang marami nga sa tulad nilang nagtangkang magbago ay pinag-isipan na ng masama bago pa man makalapit sa simbahan. Pinagbintangan nang may masamang balak bago pa man mabigyan ng pagkakataon.
Kung ganito natin titingnan ang ating kapwang makasalanan, ano ang kaibahan natin sa mga tagapagturo ng kautusan at mga pariseong nagtaas ng kilay nang makisalamuha si Hesus sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan.?
Taliwas ito sa halos isigaw ng Ebanghelyo natin ngayong linggo.
"Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi." (Lucas 15:7)
Ang bawat kaluluwa ay mahalaga para sa Diyos. Pantay-pantay tayo-- banal man o makasalanan. Katunayan, lahat tayo'y binibigyan ng pagkakataong yakapin ang kaligtasan. Anuman ang ating nakaraan, handa itong limutin ng Diyos kung tatalikuran natin ang luma nating buhay upang tahakin ang makipot na daan patungo sa kaligtasan.
Ganyan kawagas ang pag-ibig at awa ng Diyos. Patuloy itong nagbibigay ng pagkakataon. Handang magpatawad sa sinumang tumatalikod sa kasalanan.
Ang tao'y piraso ng kahoy at ang Diyos ang eskultor. Nakikita ng Diyos ang nasa ating kalooban.
Mahalaga tayo sa Diyos. Mahal Niya tayo. Alam Niyang may kapasidad tayong magbago. Nakikita Niya sa loob natin-- kung paanong nakita ng eskultor ang kabayo sa loob ng kahoy-- ang liwanag na nagmula rin sa Kanya. Espesyal tayo dahil nilikha Niya tayo ayon sa Kanyang larawan.
Sabi nga ng isang kantang itinuro ng isa kong kaibigan:
You are beautiful. You are loved.
You are fogiven by the mercy of God.
Panalangin:
O aming Ama, luwalhatiin at sambahin Ka ng aming kaluluwang lumuluhod sa Iyong kabunyian.
Patawarin Mo po sana kaming naging mapanghusga sa aming kapwa. Ngayon po'y nauunawaan naming hindi kami higit sa kanila. Katulad nila'y makasalanan din kaming iniligtas ng Iyong mapagmahal na awa. Na isa rin kami sa mga dahilan kung bakit Ka napako at namatay sa krus.
Maraming salamat po sa kaligtasan at sa buhay na walang hanggang ipinagkakaloob Mo sa amin. Maraming salamat po at natagpuan Ninyo kami-- mga ligaw na tupang pinasan Mo sa Iyong mga balikat upang sagipin sa kamatayan. Kung tutuusi'y isa lamang kaming piraso ng barya subalit binigyang-halaga Ninyo kami. Hindi man kami karapat-dapat, ipinadala Mo ang Iyong Bugtong na Anak upang kami'y tubusin.
Bigyang halaga po sana namin ang lahat ng Iyong mga sakripisyo at pagmamahal upang himukin kaming lumapit sa Iyo. Utang po namin sa Iyo ang aming buhay. Gamitin Mo po kami para sa Iyong kaluwalhatian.
Sa ngalan ni Hesus, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.