Ika-30 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 27 Oktubre 2013
Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Ecclesiastico 35:12-18
12 Huwag mong susuhulan ang Panginoon
sapagkat di siya tumatanggap ng suhol,
huwag kang aasa sa handog na galing sa masamang paraan.
Ang Panginoon ay Diyos ng katarungan,
wala siyang itinatanging sinuman.
13 Hindi siya kumikiling kaninuman laban sa mahirap,
sa halip, agad niyang dinirinig ang naaapi.
14 Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila,
at ang pagsusumamo ng biyudang nagsasaysay ng nangyari sa kanya.
15 Ang luhang dumadaloy sa pisngi ng balo
ay sumisigaw laban sa taong naging dahilan ng kanyang pagluha.
16 Kinalulugdan ng Diyos ang naglilingkod sa kanya nang buong puso,
ang panalangin nito'y agad nakakaabot sa langit.
17 Ang dalangin ng mapagpakumbaba ay tumatagos sa mga ulap
at hindi tumitigil hanggang di umaabot sa Panginoon;
hindi humihinto hanggang di pinapansin ng Kataas-taasan,
at iginagawad ang katarungan para sa mga taong nasa katuwiran.
18 Hindi na magtatagal at kikilos ang Panginoon,
hindi niya ipagpapabukas pa ang pagpaparusa sa masasama.
Babaliin niya ang likod ng malulupit,
paghihigantihan niya ang mga bansa.
Lilipulin niya ang mga palalo,
dudurugin niya ang kapangyarihan ng mga makasalanan.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 34:2-22
2 Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
3 Ang kadakilaan niya ay ihayag,
at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
4 Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
5 Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
6 Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
7 Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
8 Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
9 Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod,
mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong may gusto ng mahabang buhay;
sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tumutulong siya sa nasisiphayo;
ang walang pag-asa'y hindi binibigo.
19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
sa taglay na buhay ang siyang kikitil.
22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 4:6-18
6 Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. 7 Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. 8 Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.
9 Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan na ako ni Demas dahil sa pagkahumaling niya sa sanlibutan; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. 11 Si Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. 12 Pinapunta ko sa Efeso si Tiquico. 13 Pagpunta mo rito, dalhin mo ang aking damit na iniwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat.
14 Napakasama ng ginawa sa akin ni Alejandrong panday. Ang Panginoon ang magpaparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. 15 Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat tutol na tutol siya sa ipinapangaral natin.
16 Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. 17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 18:9-14
9 Sinabi rin niya ang talinhagang ito sa mga taong mababa ang tingin sa iba at nag-aakalang sila'y matuwid. 10 "May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis.
11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.'
13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' 14 Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas."
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita