Hanapan ang Blog na Ito

Posts Para Sa Linggo (10 Agosto 2025):

02 - 08 Pebrero 2014

02-Linggo 03-Lunes 04-Martes 05-Miyerkules 06-Huwebes 07-Biyernes 08-Sabado



02 Pebrero 2014
Pagdadala kay Hesus sa Templo
I-click dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.( Unang Pagbasa: Malakias 3:1-4Salmo: Awit 24:7-10Ikalawang Pagbasa: Hebreo 2:14-18; Mabuting Balita: Lucas 2:22-40)
I-click dito para sa Gospel Reflection.

"Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel." (Lucas 2:34)

_________________________________________

03 Pebrero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 15:13-16:13; Salmo: Awit 3:2-7
Mabuting Balita: Marcos 5:1-20

1 Dumating sila sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. 2 Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. 3 Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. 4 Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. 5 Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili.
               
6 Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, "Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, bakit mo ako pinapakialaman? Ipangako mo sa pangalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!" 8 (Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, "Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!")
               
9 Tinanong siya ni Jesus, "Ano ang pangalan mo?"
              
 "Batalyon,  sapagkat marami kami," tugon niya. 10 At nakikiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon.
               
11 Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 12 Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, "Pasapiin mo na lamang kami sa mga baboy," 13 at sila'y pinahintulutan niya. Lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at sumapi sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawang libo, ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod.
               
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang tunay na nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at ang sinapit ng mga baboy.
        
17 Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain.
               
18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, 19 ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, "Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo."

20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon.
   

04 Pebrero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 18:9-19:3; Salmo: Awit 86:1-6; 
Mabuting Balita: Marcos 5:21-43

21 Si Jesus ay sumakay sa bangka c at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmamakaawa, "Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!"
               
24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.
               
25 Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Hirap na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat iniisip niyang: "mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako." 29 Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.
               
30 Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya agad sa mga tao at nagtanong, "Sino ang humipo sa aking damit?"
               
31 Sumagot ang kanyang mga alagad, "Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?"
              
32 Subalit patuloy na lumingun-lingon si Jesus sa paghahanap sa kung sinong humipo sa damit niya. 33 Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na."
               
35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. "Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro," sabi nila.
               
36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus, d sinabi niya kay Jairo, "Huwag kang mawalan ng pag-asa; manampalataya ka lamang."
               
37 Walang isinama si Jesus noon maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, "Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang."
               
40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, "Talitha koum," na ang ibig sabihi'y "Ineng, bumangon ka!"

42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

05 Pebrero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 24:2-17; Salmo: Awit 32:1-7; 
Mabuting Balita: Marcos 6:1-6

1 Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtatanungan sila, "Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 3 Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?" Kaya't sila'y nagduda sa kanya at siya'y hinamak nila.

4 Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay." 5 Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Nagtaka siya dahil hindi sila naniwala sa kanya.
   

06 Pebrero 2014
Pagbasa: 1 Hari 2:1-12; Salmo: 1 Cronica 29:10-12; 
Mabuting Balita: Marcos 6:7-13

Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. 7 Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, 8 at pinagbilinang, "Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdadala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag din kayong magdadala ng pagkain, bag, o pera. 9 Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdadala ng bihisan."
               
10 Sinabi rin niya sa kanila, "Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon."

12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.   

07 Pebrero 2014
Pagbasa: Sirac 47:2-11; Salmo: Awit 18:31-51; 
Mabuting Balita: Marcos 6:14-29

14 Nakarating kay Haring Herodes b ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat bantog na bantog na ito. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, "Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon."
               
16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, "Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay." 17 Si Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, "Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!" 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit na labis siyang nalilito sa mga sinasabi nito.
               
21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, "Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo." 23 Naipangako rin niya sa dalagang, "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit pa ang kalahati ng aking kaharian."
               
24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, "Ano po ang hihingin ko?" "Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo," sagot ng ina.
               
25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, "Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan."
               
26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.   


08 Pebrero 2014
Pagbasa: 1 Hari 3:4-13; Salmo: Awit 119:9-14; 
Mabuting Balita: Marcos 6:30-34

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, "Magpunta tayo sa isang lugar na kung saan maaari tayong makapagsarilinan, at upang makapagpahinga kayo nang kaunti." 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang ilang na lugar.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sila Jesus. 34 Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay.

02-Linggo 03-Lunes 04-Martes 05-Miyerkules 06-Huwebes 07-Biyernes 08-Sabado

Pagdadala kay Hesus sa Templo - 02 Pebrero 2014


Unang Pagbasa: Malakias 3:1-4

1 Sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, "Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan."


2 Ngunit sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap kapag napakita na siya? Para siyang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang sabon na may matapang na sangkap. 3 Darating siya at mauupong tulad ng isang tagapagdalisay ng pilak. Dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi katulad ng ginto at pilak at sa pamamagitan nito'y magiging karapat-dapat ang kanilang handog kay Yahweh. 4 Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati.

Salmo: Awit 24:7-10

7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,

buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.

9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari!

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 2:14-18

14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at may dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang kapangyarihan ng diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 At pinalaya niya ang lahat ng tao na habang panaho'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya'y naging isang Pinakapunong Pari, mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay nakaranas ng pagtukso at paghihirap.

Mabuting Balita: Lucas 2:22-40

22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.


25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,

31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso."

36 Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagaayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

39 Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.


26 Enero - 01 Pebrero 2014

26-Linggo 27-Lunes 28-Martes 29-Miyerkules 30-Huwebes 31-Biyernes 01-Sabado


26 Enero 2014
Ikatlong Linggo Sa Karaniwang Panahon 
( Unang Pagbasa: Isaias 8:23-9:3; Salmo: Awit 27:1-14; Ikalawang Pagbasa: 1Corinto 1:10-17; Mabuting Balita: Mateo  4:12-23)

"Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit." (Mateo 4:17)

_________________________________________

27 Enero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 5:1-10; Salmo: Awit 89:20-26; 
Mabuting Balita: Marcos 3:22-30

22 Sinasabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, "Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!"

23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinhaga. Sabi niya, "Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, hindi magtatagal, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban- laban naman ang mga magkakasambahay, hindi rin magtatagal ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas.

27 "Subalit hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat ito ay walang hanggang kasalanan." 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.

28 Enero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 6:12-19; Salmo: Awit 24:7-10; 
Mabuting Balita: Marcos 3:31-35

31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Sila'y nasa labas ng bahay at ipinapatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, "Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid."

33 "Sino ang aking ina at mga kapatid?" tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, "Sila ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay siyang aking ina at mga kapatid."

29 Enero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 7:4-17; Salmo: Awit 89:4-30; 
Mabuting Balita: Marcos 4:1-20

1 Muling nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang karamihan sa may dalampasigan, 2 at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinhaga. Ganito ang sinabi niya: 3 "Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. 5 May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. 6 Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. 7 May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. 8 At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami; may nagkabutil ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan." 9 Sinabi pa ni Jesus, "Makinig ang may pandinig."

10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinhaga. 11 Sinabi niya, "Ipinagkaloob na sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinhaga. 12 Nang sa gayon,

'Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita,
at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa.

Kung gayon, sana'y nagbalik-loob sila sa Diyos
at nagkamit sana sila ng kapatawaran.'"

13 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, "Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinhagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinhaga? 14 Ito ang kahulugan ng talinhaga: ang binhing inihahasik ay ang mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos 15 at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa mensahe ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumating si Satanas at inalis ang mensaheng inihasik sa kanila.

16 "Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig at malugod na tumatanggap sa mensahe ng Diyos. 17 Subalit ang mensahe ay hindi tumitimo sa kanilang puso kaya't hindi sila nananatili doon. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa mensahe ng Diyos, agad silang sumusuko.

18 "Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa may damuhang matinik. May mga taong nakikinig ng mensahe ng Diyos 19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang mensahe ay nawalan na ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakapamunga.

20 "Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. May mga taong nakikinig at tumatanggap sa mensahe ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tigsasandaan."

30 Enero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 7:18-29; Salmo: Awit 132:1-14; 
Mabuting Balita: Marcos 4:21-25

21 Nagpatuloy si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, "Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa isang malaking takalan, o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Walang natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. 23 Makinig ang may pandinig!"

24 Idinugtong pa niya, "Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. 25 Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa."

31 Enero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 11:1-17; Salmo: Awit 51:3-11; 
Mabuting Balita: Marcos 4:26-34

 26 Sinabi pa ni Jesus, "Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. 29 Kapag hinog na ang mga butil, agad niya itong ipagagapas sapagkat panahon na para ito'y anihin."

30 "Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinhaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?" tanong ni Jesus. 31 "Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito."

33 Ipinangaral ni Jesus sa kanila ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinhagang tulad ng mga ito, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinhaga; ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.

01 Pebrero 2014
Pagbasa: 2 Samuel 12:1-17; Salmo: Awit 51:12-17; 
Mabuting Balita: Marcos 4:35-41

35 Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, "Tumawid tayo sa ibayo." 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. 37 Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. 38 Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, "Guro, bale-wala ba sa inyo kung mapahamak kami?"

39 Bumangon si Jesus at iniutos sa hangin, "Tigil!" at sinabi sa alon, "Tumahimik ka!" Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa. 40 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, "Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?"

41 Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, "Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa inuutos niya!"

26-Linggo 27-Lunes 28-Martes 29-Miyerkules 30-Huwebes 31-Biyernes 01-Sabado

Ikatlong Linggo Sa Karaniwang Panahon - 26 Enero 2014



Unang Pagbasa: Isaias 8:23-9:3

23 Ngunit napawi na ang dilim sa bayang matagal nang namimighati. Noong mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil!

1 Nakakita ng isang maningning na liwanag
ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman;
sumikat na ang liwanag
sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim.

2 Pinasigla mo ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Nagagalak sila na parang panahon ng anihan,
at parang mga taong naghahati-hati sa nasamsam na kayamanan.

3 Sapagkat binali mo ang pamatok ng kahirapan
at mga bigatin sa kanilang balikat ay pinasan.
Pamalo ng mga mang-aapi, iyong binali
tulad sa Midian na iyong ginapi.
 
Salmo: Awit 27:1-14

1 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
sino pa ba ang aking kasisindakan?

2 Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
mabubuwal lamang sila at mapapariwara.

3 Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.

4 Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.

5 Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.

6 Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan,
habang mga handog ko'y iniaalay;
aawitan ko si Yahweh at papupurihan.

7 Pakinggan mo ako Yahweh, sa aking panawagan,
sagutin mo ako at iyong kahabagan.

8 Nang sabihin mo Yahweh, "Lumapit ka sa akin,"
sagot ko'y, "Nariyan na ako at kita'y sasambahin."

9 Huwag ka sanang magagalit sa akin;
ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!

10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.

11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
pagkat naglipana ang aking mga kaaway.

12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.

13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.

14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
Manalig sa kanya at huwag manghinawa.

Kay Yahweh tayo magtiwala!

Ikalawang Pagbasa:  1Corinto 1:10-17

10 Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa isipan at maging sa layunin. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away. 12 Ito ang tinutukoy ko: may nagsasabing, "Kay Pablo ako;" may nagsasabi namang, "Ako'y kay Apolos." May iba pa ring nagsasabi, "Kay Pedro ako," at may iba namang nagsasabi, "Ako'y kay Cristo." 13 Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya? 14 Salamat sa Diyos at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius, 15 kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Ako nga rin pala ang nagbautismo sa pamilya ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko. 17 Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.

Mabuting Balita: Mateo  4:12-23

12 Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

15 "Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali,
daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
sa Galilea ng mga Hentil!

16 Ang mga taong nasa kadiliman
ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
ay sumikat ang liwanag."

17 Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, "Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit."

18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao." 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman.


Posts Para Sa Susunod Na Linggo (17 Agosto 2025):

.