1 Sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, "Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan."
2 Ngunit sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap kapag napakita na siya? Para siyang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang sabon na may matapang na sangkap. 3 Darating siya at mauupong tulad ng isang tagapagdalisay ng pilak. Dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi katulad ng ginto at pilak at sa pamamagitan nito'y magiging karapat-dapat ang kanilang handog kay Yahweh. 4 Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati.
Salmo: Awit 24:7-10
7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.
9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari!
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 2:14-18
14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at may dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang kapangyarihan ng diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 At pinalaya niya ang lahat ng tao na habang panaho'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya'y naging isang Pinakapunong Pari, mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay nakaranas ng pagtukso at paghihirap.
Mabuting Balita: Lucas 2:22-40
22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.
25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,
29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."
33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso."
36 Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagaayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
39 Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.