19 - 25 Enero 2014

19-Linggo 20-Lunes 21-Martes 22-Miyerkules 23-Huwebes 24-Biyernes 25-Sabado



"Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit." (Mateo 3:17)

_________________________________________

20 Enero 2014
Pagbasa: 1 Samuel 15:16-23; Salmo: Awit 50:8-23; 
Mabuting Balita: Marcos 2:18-22

18 Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, "Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?"

19 Sumagot si Jesus, "Dapat bang mag- ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga't kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon. 20 Ngunit darating ang araw na ilalayo ito sa kanila, at saka pa lamang sila mag-aayuno.

21 "Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!

21 Enero 2014
Pagbasa: 1 Samuel 16:1-13; Salmo: Awit 89:20-28; 
Mabuting Balita: Marcos 2:23-28

23 Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng uhay. 24 Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, "Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!"

25-26 Sinagot naman sila ni Jesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari? Nang si David at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon."

27 Sinabi rin ni Jesus, "Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. 28 Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga."

22 Enero 2014
Pagbasa: 1 Samuel 17:32-51; Salmo: Awit 144:1-10; 
Mabuting Balita: Marcos 3:1-6

1 Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. 2 May ilang taong naroroon at inaabangan kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3 Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito!" 4 Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, "Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?"

Ngunit sila'y hindi sumagot. 5 Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. 6 Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.

23 Enero 2014
Pagbasa: 1 Samuel 18:6-19:7; Salmo: Awit 56:2-14; 
Mabuting Balita: Marcos 3:7-12

 7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, 8 sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. 9 Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" 12 Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya.

24 Enero 2014
Pagbasa: 1 Samuel 24:3-21; Salmo: Awit 57:2-11; 
Mabuting Balita: Marcos 3:13-19

 13 Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok kasama ang mga taong pinili niya at sumunod sa kanya. 14 Buhat sa mga taong iyon ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. Hinirang niya ang mga ito upang maging kasa-kasama niya at upang suguing mangaral. 15 Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; 17 sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, sila'y tinawag din niyang Boanerges, na ang kahulugan ay "mga anak ng kulog"; 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, 19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.

25 Enero 2014
Pagbasa: Mga Gawa 22:3-16; Salmo: Awit 117:1-2; 
Mabuting Balita: Marcos 16:15-18

15 At sinabi ni Jesus sa kanila, "Habang kayo'y humahayo sa buong mundo, ay ipangaral ninyo sa lahat ng tao ang Magandang Balita. 16 Ang sinumang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. 17 Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika. 18 Hindi sila maaano kahit dumampot sila ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay."

19-Linggo 20-Lunes 21-Martes 22-Miyerkules 23-Huwebes 24-Biyernes 25-Sabado

Mga kasulyap-sulyap ngayon: