Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol
15 Enero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 19 Enero 2014.)
Noong teenager pa ako, madalas kong sabihin sa sarili ko, sana nanatili na lang akong bata.
Nang mga bata pa kasi tayo wala tayong ibang iniisip kundi kain, laro, tulog tapos laro uli. Simple lang ang buhay. Walang problema. Walang mga komplikadong iniisip. Dapat gawin ang tama. Dapat iwasan ang mali.
Nagbabago ang lahat habang lumalaki tayo. Nalalaman nating hindi ganu'n kasimple ang buhay. Na hindi ganun kadali ang lahat. Lalo na ng makilala natin ang ating first love. Naranasan nating kiligin. Naranasan nating ma-broken heart.
Marami pa tayong ibang nakilala. Hindi lang sa larangan ng pag-ibig. Pati na rin ang ating schoolmates, o mga kakilala sa simbahan, o mga katrabaho o mga kapitbahay. Lahat sila'y nagkaroon ng kanya-kanyang papel sa ating mga buhay.
Marami sa kanila ang nakasakit sa atin. Hanggang sa matakot tayong magtiwala. Natuto tayong pumili ng pakikisamahan. Natuto tayong matakot.
Dati-rati, mumu lang o palabas na horror ang kinatatakutan natin hanggang sa na-realize nating mas nakakatakot ang realidad.
Kaya kapag nagtatangka ang Diyos na lumapit sa atin. Marami sa atin ang hindi tumutugon. Marami ang umiiwas. Iniisip kasi nating baka masaktan lang tayo. Ipinaparis natin ang Diyos sa mga taong nakasakit sa atin. Mabuti pa nu'ng mga bata pa tayo, napakadali para sa atin ang umusal ng maikling panalangin.
Ngayong kapistahan ng Sto. Nino, tinuturuan tayo ni Kristong maging dakila tulad ng isang bata. Hinihimok Niya tayong muling magtiwala at manalig sa ating Diyos. Tularan natin ang isang bata sa kanyang kasimplehan. Kung paanong hindi niya ibinabaluktot ang mali para maging tama.
Ang batang si Hesus ay lumaki at nagkaisip katulad natin subalit nanatili ang kanyang pagmamahal, pananalig at pagtitiwala sa ating Ama. Nanatili Siyang dakila dahil nanatili Siyang tulad ng isang bata.
Viva Sto. Nino! Natapos man ang aming pagkabata, manatili sana kaming katulad mo sa pagmamahal, pananalig at pagtitiwala.
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw na nagkaloob sa amin ng Iyong Anak na katulad nami'y minsang naging isang paslit; naglaro at nangailangan ng pagkalinga; patuloy Ka naming sinasamba ng may marubdob na pagtitiwala at pagdakila.
Tulungan Mo po kaming muling maging tulad ni Sto. Nino, puno ng pagmamahal at pagtitiwala sa Iyong walang hanggang kapangyarihan.
O aming Ama, inaalay namin sa Iyo ang aming buhay. Ihinihingi po namin ng tawad ang lahat ng aming mga kasalanan. Turuan mo po kaming mahalin ang aming kapwa-- lalo na po ang mga pinakahamak sa amin. Buksan po sana namin para sa kanila ang aming mga buhay. Lumapit po sana kami sa kanila. Maramdaman po sana nila sa pamamagitan namin ang Iyong pagmamahal.
Sa pangalan ni Sto. Nino na lumaki, bininyagan ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan, nakisalamuha at naglingkod sa mga makasalanan, ipinako at namatay sa krus, muling nabuhay, umakyat sa langit at muling babalik sa huling araw. Amen.