“Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” (Mateo 18:3)
Unang Pagbasa: Isaias 9:1-6
Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim. Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang, dinagdagan mo ang kanilang tuwa. Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan, tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan. Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian. Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila. Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma, ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin. Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki. Ibinigay ang isang anak sa atin at siya ang mamamahala sa atin. Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari upang matatag ito at papanatilihin sa katarungan at katwiran ngayon at magpakailanman. Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.
Salmo: Awit 97
Tugon: Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas!
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagka’t yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Tapat siya sa kanila at ang pagibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trompeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.
Ikalawang Pagbasa: Efeso 1:3-6.15-18
Mga kapatid: Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!
Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Hesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang, walang humpay ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin, at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang.
Mabuting Balita: Mateo 18:1-5.10
Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”
Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.”