Gospel Reflection
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
19 Pebrero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 23 Pebrero 2014.)
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
19 Pebrero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 23 Pebrero 2014.)
(Kauuwi lang namin galing sa trabaho at nadatnan namin ang aming anak na nanonood ng isang katatapos lang na telenovela.)
Mama Rizza: Baby, ano'ng nangyari sa Annaliza (title ng telenovela)?
Baby Lei: Away...
Mama Rizza: Nag-away sila? Tapos, ano pa'ng nangyari?
Baby Lei: Patay...
(Pagkatapos ng usapang iyon ng mag-ina, naisip kong hindi yata dapat manood ng mga telenovela ang anak namin.)
Away... patay...
Dalawang salitang-ugat. Ang away ay salitang ugat ng kaaway. Ang patay ay rootword ng kamatayan.
Kamatayan ang bunga ng kasalanan. At alam nating ang pagkagalit-- na siyang nangingibabaw na emosyon sa pakikipag-away-- ay katumbas ng pagpatay. Hindi ba't sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo natin noong isang linggo:
"Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, 'Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.' Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, 'Ulol ka!' ay nanganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno." (Marcos 5:21-22)
Ngayong linggo, lalo pang pinalalim ni Hesus ang kahulugan ng pagsunod sa Kanya. "Ibigin mo ang iyong kaaway." Sa ibang salita, pag-ibig ang itugon natin sa umuusig sa atin. Isang pag-ibig na ganap na lumilimot sa sariling kapakanan. Isang ganap na pag-ibig na katulad ng pag-ibig ni Hesus.
"Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo," (Juan 15:12) ito ang Kanyang bagong utos sa Kanyang mga apostol. Tularan ang Kanyang pag-ibig. Pag-ibig na nagbitiw ng mga salitang ito habang Siya'y nakabayubay sa krus: "Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." (Lucas 23:34)
Hindi ito gano'n kadaling gawin dahil marami sa ating Kapwa ang hindi kaibig-ibig. Dapat nating tandaang kung magtatagumpay man tayo sa ating evangelization, pag-ibig ang ating magiging susi. At hindi nakakatulong sa pagpapalaganap ng Kanyang Salita ang pag-aaway-away ng mga sekta. Bagkus lalo itong nagiging dahilan upang lumayo ang mga tao sa Diyos.
Ituring nating kaibigan ang ating mga kaaway. Simulan nating lumikha ng mga tulay patungo sa kanila. Magsimulang gibain ang mga pader na nagiging dahilan upang magawa nating kumonekta sa ating kapwa.
Maraming mga dahilan para ituring na kaaway ang isang tao. Nariyan ang lahi o kulay ng balat. Iba't-ibang paniniwala at relihiyon. Iba't-ibang ugali.
Pinaaalala sa atin ngayong linggo na walang idudulot na kabutihan ang pakikipag-away. Alam na natin ito buhat ng mga bata pa tayo. Hindi ba't lagi nga itong sinasabi sa atin ng ating mga magulang.
Sakitan o kapahamakan--kung hindi man kamatayan-- ang dulot ng pagkamuhi sa kaaway. Ganap at totoong pag-ibig ang nagdudulot ng buhay.
Sabi nga ni Baby Lei, "away... patay."
Sabi naman ng Ebanghelyo natin ngayong linggo, "pag-ibig... buhay."
Panalangin:
O aming Ama, sa gitna ng maraming mga pag-uusig sa buhay namin, patuloy Ka po naming sinasamba at niluluwalhati.
Ang puso namin, buhay at kaluluwa, ay sa Iyo. Gamitin Mo po kaming instrumento ng Iyong pag-ibig. Gawin Mo po kaming buhay na halimbawa ng Iyong walang hanggang kaluwalhatian.
Turuan Mo po kaming magmahal kahit na sa panahon ng mga pag-uusig at pagsubok. Bigyan Mo po kami ng mapagkumbabang pusong umaaming kami man makasalanan tulad ng mga umuusig sa amin.
Sa pangalan ni Hesus. Amen.