Undebatable Truth

Gospel Reflection

Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
12 Pebrero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 16 Pebrero 2014.)


Naalala ko si Lakay, siya 'yung matandang lalaking naging trabahador sa pagawaan ng kuwadrong malapit sa bahay namin noon. Mahilig siya sa mga usaping tungkol sa Diyos. Lalo na sa mga interpretasyon ng Biblia. Siya 'yung tipo ng taong kapag nalalasing ay nagsasalita ng kung anu-ano-- na madalas kaysa sa hindi ay tungkol sa mga argumento sa relihiyon.

Minsan, nakadebate ko siya. Teen-ager pa lang ako noon. Wala pang gaanong alam. Basic lang ang mga tanong niya. 'Yung tipo ng mga tanong na karaniwang ibinabato nga mga taga-ibang relihiyon sa mga Katoliko. Tungkol sa Blessed Trinity. Tungkol sa Sampung Utos. Tungkol sa mga imahe.

Nakakasagot naman ako sa kanya. Kahit naman kasi paano ay nagbabasa-basa na ako noon. Matagal ang aming naging pag-uusap. At masasabi kong may mga natutunan din ako sa kanya. Lalo na't sa huli ng aming pag-uusap ay itinuro niya ang ilang berso sa Biblia na sumusuporta sa aking mga punto.

Nasundan pa ang pag-uusap na iyon. Nangingiti nga ako kapag naaalala ko ang mga iyon. Bata pa nga talaga ako noon. Mahilig pa sa debate. Pero tapos na sa akin ang stage na iyon. Kumbaga sa bata ay nakalakihan ko na.

Mahilig sa debate ang maraming mga aktibong Kristiyano ngayon. Gustung-gusto nilang patunayang tama ang kanilang relihiyon at mali ang iba-- na madalas kaysa hindi ay mga Katoliko ang puntirya nila. Kapag nag-umpisa na ang debate ay parang wala na itong katapusan. Walang nagpapatalo. Parehong tama ang magkabilang panig.

At ito ang malungkot na realidad. Walang katapusan ang pagdedebate sa kung sino ang nagsasabi ng totoo. Iisa ang Bibliang pinag-uusapan subalit iba't-iba ang interpretasyon. Sabagay, iba't-iba rin kasi ang bersyon o salin. Isinulat ang mga aklat ng Biblia upang pag-isahin ang mga mananampalataya subalit nagiging dahilan ito ng pagkakahati-hati.

Mapagtanto sana nating higit sa pagpapatunay sa kung sino ang "maliligtas", dapat nating bantayan ang ating mga gawa. Dapat nating bantayan ang laman ng ating mga puso. Marami sa atin ang magaling sa debate-- puro satsat-- pero kulang sa pagmamalasakit sa kapwa. Kulang sa pagmamahal. Kulang sa buhay-panalangin.

Ingatan natin maging tulad tayo ng mga Pariseo at mga tagapagturo ng kautusan. Pakitang-tao lamang ang kanilang pagiging banal. 

"...kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit." (Mateo 5:20)

Ganap at malalim na pagsunod ang hinihingi sa atin ng Diyos. Nakikita Niya ang ating mga puso. Nababasa Niya ang ating mga isip. Alam Niya kung kailan tayo nagagalit, nagnanasa o nagsisinungaling. Ang mga bagay na ito ang naglalayo sa atin sa Kanyang mapagpalang biyaya.

Maging ganap sana ang ating pagtalima sa Kanyang pagtawag sa atin. Hindi 'yung "oo" tayo kapag komportableng sumunod sa Kanya at "hindi" kapag wala na tayo sa ating comfort zone o kapag kailangan na nating magsakripisyo.

Hindi matatapos ang mga debate. Ang malungkot kahit na ilang religious debate ang ating mapanalunan, hindi tayo kayang iligtas ng mga panalong iyon. Dahil sa huli, hindi naman tatanungin ng Diyos kung ilang debate ang napanalunan mo. Mananatiling ang puso ng kasulatan ang magiging sukatan ng kaligtasan: 

"...Ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan." (Mateo 25:35-36)

At ito'y isang undebatable truth at higit na mahalaga kaysa sa anumang debate.  

Panalangin:

O aming Panginoong Diyos, aming Amang ganap na nagmahal sa amin sa kabila ng aming mga kahinaan, sinasamba Ka namin, niluluwalhati at pinararangalan.

Turuan Mo po kaming maunawaan at isabuhay ang Iyong kalooban. Makita po sana sa aming pang-araw-araw na buhay ang Iyong kaluwalhatian. Sa aming pagsasabuhay ng mga Salita ni Hesus, magkamit po nawa kami ng kaligayahang sa Iyo lamang maaaring magmula.

Patuloy po sanan kaming magbasa ng Iyong mga Salita, gabayan po sana kami Nito sa aming mga desisyon. Mahirap man po, magawa po sana naming sumunod sa mga idinidikta nitong para sa aming kabutihan.

Ilayo Mo po kami sa tuksong nagtutulak sa aming lumayo sa Iyo.

Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, na Siyang puso ng Kasulatan. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: