Huwebes Santo - 17 Abril 2014


Unang Pagbasa: Exodo 12:1-8. 11-14

1 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, 2 "Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. 3 At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. 4 Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. 5 Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taong gulang, walang kapintasan. 6 Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. 7 Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. 8 Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay.

11 Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.

12 "Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. 13 Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. 14 Ang araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.

Salmo: Awit 116:12-13. 15-16. 17-18

12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?

13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.

15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.

16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.

17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.

18 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 11:23-26

23 Ito ang katuruang tinanggap ko sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, 24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, "Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin." 25 Matapos maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, "Ang kopang ito ay ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin." 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.

Mabuting Balita: Juan 13:1-15

1 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y iniibig niya hanggang sa wakas.

2 Sa panahon ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkakanulo niya si Jesus sa mga Judio. 3 Nalalaman ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.

6 Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. Sabi niya, Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng aking mga paa?

7 Sumagot si Jesus, Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.

8 Muling nagsalita si Pedro, Hinding-hindi ko pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa! Ngunit sinabi ni Jesus, Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.

9 Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!

10 Sumagot si Jesus, Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat. 11 Dahil kilala ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.

12 Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya'y nangusap sa kanila, Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. 14 Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: