Pagbabasbas ng Palaspas: Mateo 21:1-11
1 Malapit na sa Jerusalem nang sila ay dumaan sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, 2 "Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang inahing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. 3 Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng aming Panginoon at ipapaubaya niya agad ang mga iyon sa inyo."
4 Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta:
5 "Sa lunsod ng Zion ay ipahayag ninyo,
'Tingnan mo, ang hari mo'y dumarating.
Siya'y mapagpakumbaba; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno,
at sa isang batang asno na anak ng isang babaing asno.'"
6 Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila kay Jesus ang inahing asno at ang anak nito, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal. Pagkatapos, sumakay dito si Jesus. 8 Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. 9 Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, "Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!"
10 Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lunsod. "Sino kaya ito?" tanong nila. 11 "Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea," sagot ng karamihan.
Unang Pagbasa: Isaias 50:4-7
4 Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
5 Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik
o tumalikod sa kanya.
6 Hindi ako gumanti nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.
Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
at luraan ang aking mukha.
7 Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis,
sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
Salmo: Awit 22:8-9. 17-18. 19-20. 23-24
8 Pinagtatawanan ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
9 Sabi nila, "Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,darating ang kanyang saklolo!"
17 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
18 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
19 Mga damit ko'y kanilang pinagsugalan,
at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.
20 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
23 Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
24 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
Ikalawang Pagbasa: Filipos 2:6-11
6 Kahit siya'y likas at tunay na Diyos,
hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
7 Sa halip, kusa niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos,
at naging katulad ng isang alipin.
Ipinanganak siyang tulad ng mga karaniwang tao.
At nang si Cristo'y maging tao,
8 nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
maging ito man ay kamatayan sa krus.
9 At dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos
at ibinigay sa kanya ang pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa gayon, sa pangalan ni Jesus
ay luluhod at magpupuri ang lahat
ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.
11 At para sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama,
ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ang Panginoon.
Mabuting Balita: Mateo 27:11-54
11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, "Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?"
Sumagot si Jesus, "Ikaw na ang may sabi." 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.
13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, "Hindi mo ba narinig ang paratang nila laban sa iyo?" 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.
15 Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16 Si Jesus Barabbas ay isang kilalang bilanggo noon. 17 Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, "Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na 'Cristo'?" 18 Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.
19 Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, "Huwag kang makialam sa taong iyan. Wala siyang kasalanan. Ngayon ay pinapahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya."
20 Ang mga tao nama'y sinulsulan ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21 Muli silang tinanong ng gobernador, "Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?"
"Si Barabbas!" sigaw ng mga tao.
22 Sinabi sa kanila ni Pilato, "Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?"
At sumagot ang lahat, "Ipako siya sa krus!"
23 "Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?" tanong ni Pilato.
Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, "Ipako siya sa krus!"
24 Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. "Wala akong pananagutan sa dugo b ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!" sabi niya.
25 Sumagot naman ang mga tao, "Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo niya."
26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.
27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29 Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, "Mabuhay ang Hari ng mga Judio!" 30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.
32 Paglabas ng lunsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay "Pook ng Bungo." 34 Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
35 Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 at pagkatapos, naupo sila upang siya'y bantayan. 37 Isinulat nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya, "Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio." 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
39 Ininsulto rin siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi, "Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!"
41 Kinutya naman siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Sinasabi nila, 42 "Iniligtas niya ang iba ngunit ang sarili ay hindi mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!"
44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.
45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, "Eli, Eli, lema sabachthani ?" na ang ibig sabihi'y "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?"
47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, "Tinatawag niya si Elias!" 48 May isang tumakbo at kumuha ng espongha, binasa ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.
49 Sinabi naman ng iba, "Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!"
50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.
51 Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lunsod, at doo'y marami ang nakakita sa kanila.
54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, "Tunay na siya'y Anak ng Diyos!"