08-14 Hunyo 2014



08-Linggo 09-Lunes 10-Martes 11-Miyerkules 12-Huwebes 13-Biyernes 14-Sabado

08 Hunyo 2014
Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 
(Unang Pagbasa: Gawa 2:1-11; Salmo: 104:1. 24. 29-30. 31. 34; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 12:3-7. 12-13; Mabuting Balita: Juan 20:19-23)
I-click po dito para sa Gospel Reflection. 

"Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad." (Juan 20:22-23)

_________________________________________

09 Hunyo 2014
Pagbasa: 1 Hari 17:1-6; Salmo: Awit 121:1-8;
Mabuting Balita: Mateo 5:1-12

 1 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad 2 at sila'y tinuruan niya.

3 "Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,

sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

4 "Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.

5 "Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.

6 "Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
sapagkat sila'y bubusugin.

7 "Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.

8 "Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.

9 "Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.

10 "Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

11 "Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin.

12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo."

10 Hunyo 2014
Pagbasa: 1 Hari 17:7-16; Salmo: Awit 4:2-8;
Mabuting Balita: Mateo 5:13-16

13 "Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?

14 "Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit."

11 Hunyo 2014
Pagbasa: Gawa 11:21-13:3; Salmo: Awit 98:1-6;
Mabuting Balita: Mateo 10:7-13

7 Humayo kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. 8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. 10 Sa inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.

11 "Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, 'Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!' 13 Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon.

12 Hunyo 2014
Pagbasa: 1 Hari 18:41-46; Salmo: Awit 65:10-13;
Mabuting Balita: Mateo 5:20-26

20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit."

21 "Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, 'Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.' 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, 'Ulol ka!' ay nanganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.

25 "Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang piso na dapat mong bayaran."

13 Hunyo 2014
Pagbasa: 1 Hari 19:9-16; Salmo: Awit 27:7-14;
Mabuting Balita: Mateo 5:27-32

27 "Narinig ninyong sinabi, 'Huwag kang mangangalunya.' 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may mahalay na pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno."

31 "Sinabi rin naman, 'Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, maliban kung ito ay nangangalunya, d itinutulak niya ang kanyang asawa sa kasalanang pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya."

14 Hunyo 2014
Pagbasa: 1 Hari 19:19-21; Salmo: Awit 16:1-10;
Mabuting Balita: Mateo 5:33-37

33 "Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, 'Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.' 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, 'Saksi ko ang langit,' sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o kaya'y, 'Saksi ko ang lupa,' sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, 'Saksi ko ang Jerusalem,' sapagkat ito'y lunsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na 'Oo' kung oo at 'Hindi' kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama."

08-Linggo 09-Lunes 10-Martes 11-Miyerkules 12-Huwebes 13-Biyernes 14-Sabado

Mga kasulyap-sulyap ngayon: