Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo - 29 Hunyo 2014

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan
at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas
sa kanyang kaharian sa langit. 
Purihin nawa siya magpakailanman! Amen. 
(2 Timoteo 4:18)

Unang Pagbasa: Gawa 12:1-11

1 Nang mga panahon ding iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng iglesya. 2 Pinapugutan niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. 3 At nang makita niyang ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 4 Pagkadakip kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, 5 kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, ang iglesya nama'y taimtim na nananalangin sa Diyos para kay Pedro.

6 Nang gabing iyon, natutulog si Pedro sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Balak ni Herodes na iharap siya sa bayan kinabukasan. 7 Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag na mabuti sa bilangguan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. "Dali, bumangon ka," sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. 8 "Magbihis ka't magsuot ng sandalyas," sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, "Magbalabal ka't sumunod sa akin."

Sumunod nga si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y nananaginip lamang siya. 10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel.

11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, "Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa ibig ng mga Judio na mangyari sa akin."

Salmo: Awit 34:2-9

2 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.

3 Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

4 Ang kadakilaan niya ay ihayag,
at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

5 Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
inalis niya sa akin ang lahat kong takot.

6 Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.

7 Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila'y iniligtas sa hirap at dusa.

8 Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

9 Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.

Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 4:6-8. 17-18

6 Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. 7 Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. 8 Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.

17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Mabuting Balita: Mateo 16:13-19

13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?" 14 At sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta." 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?" 16 Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit."

Mga kasulyap-sulyap ngayon: