Hindi Lang Sa Nguso


Dakilang Kapistahan 
nina Apostol San Pedro at San Pablo

29 Hunyo 2014


Kagagaling  lang namin ng pamilya ko sa Charismatic Prayer Meeting ng aming maliit na community sa aming parokya. Habang nagaganap ang nasabing prayer meeting kanina, hindi ko maiwasang makita ang mga bagay na dapat pang ayusin sa aming community. Parang mababasag ang puso ko habang naiisip ko ang mga bagay na ito.

Hindi ko na iisa-isahin ang aking mga obserbasyon. Isa pa’y maraming community na mas malaki pa ang problema kaysa sa amin. Naaalala ko lang ang pakiramdam ko habang hinaharap ko ang mga suliranin. Natatawa tuloy akong hindi ko maintindihan habang pinagninilayan ko ang buhay ng mga santong pinararangalan natin ngayon-- si San Pedro at San Pablo, kapwa apostol na nagmahal kay Hesus.

Ano kaya ang gagawin nila kung sila ang nasa kalagayan naming bahagi ng aming maliit na komunidad?

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, inihayag ni Pedro kung sino si Hesus, "kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay."  Puno ng pride si Pedro habang sinasabi niya ang mga salitang iyon. Natitiyak niya ang sagot sa tanong ni Hesus. 

Katulad ni Pedro, maraming pagkakataon ring ipinahayag ni Pablo kung sino si Hesus. "Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen."

At hindi lang nila basta ipinahayag ang katotohanan tungkol sa ating Panginoon. Isinabuhay nila ang Kanyang mga Salita. Pinanindigan nila ang kanilang pananampalataya hanggang sa kanilang kamatayan. Pabaligtad na ipinako si Pedro sa krus. Si Pablo nama’y pinugutan.

Walang pangamba at buo ang pagtitiwala nila sa Diyos habang hinaharap nila ang mga pagsubok habang unti-unting lumalaki ang bilang ng mga unang Kristiyano. Taglay nila ang kababaang loob habang ginagawa nila ang kalooban ng Diyos. Batid kasi nilang mahina sila at walang magagawa kung hindi sa paggabay ng Espiritu Santo. 

Hindi ba’t tatlong beses ipinagkaila ni Pedro si Hesus nang gabing arestuhin ang ating Panginoon? Hindi ba’t isang mapagmataas na pariseo si Pablo bago siya maging apostol ni Krsito? Si Pablo ang minsang naging dahilan ng kamatayan at paghihirap ng marami sa mga naunang Kristiyano.

Kapwa sila hindi mga perpektong mga lider subalit hinayaan nilang kumilos sa pamamagitan nila ang Espiritu Santo. Hinayaan nilang maging instrumento sila ng Kanyang pagliligtas-- si Pedro sa mga Hudyo at si Pablo sa mga Hentil.

Tinibag nila ang mga pader at lumikha ng mga tulay upang maabot ng Mabuting Balita ang maraming tao-- anuman ang kanilang pinagmulan, relihiyon o paniniwala.

Sa patuloy nating pagharap sa mga pagsubok sa ating mga kominidad at mga parokya, huwag sana tayong panghinaan ng loob. Pagnilayan natin ang buhay ng dalawa sa mga dakilang apostol ng ating Panginoon-- si San Pedro at San Pablo-- na kapwa ipinahayag kung sino si Hesus. Minahal nila si Hesus hindi lang sa kanilang nguso kundi maging sa kanilang puso at buong buhay.

Panalangin:

O aming Ama, ikaw po na pumili kina San Pedro at San Pablo na maging mga dakilang apostol; sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesus, ipinagkaloob Mo po sa kanila ang Espiritu Santong naging Sandigan nila at Gabay sa kanilang pagtupad sa Iyong kalooban, hayaan Mo pong papurihan Ka po ng iyong mga abang lingkod na umaasa lamang po sa Iyong kabutihan.

Panginoon, batid po naming kami'y mahina subalit pinalalakas po kami ng Iyong pag-ibig na pumupuno sa aming mga pagkukulang. Ihinihingi po namin ng kapatawaran ang aming mga kasalanan. Linisin Mo po kami sa pamamagitan ng Iyong Kordero, ang aming Panginoong Hesus, na ipinagkaloob ang sarili para sa aming kaligtasan.

Ipagkaloob mo po sana sa amin ang kalakasan ng loob, ng pag-iisip at ng katawan sa pagharap po namin sa mga pagsubok. Pinasasalamatan po namin ang Iyong pagtitiwala. Batid po naming hindi Mo po kami bibigyan ng problemang hindi namin kayang lutasin. Ang Iyong Espiritu ang aming lakas. Tulungan Mo po kaming makilala ang Kanyang mga pagkilos.

Ipinagsisigawan namin sa mundo, katulad ng ginawa nina San Pedro at San Pablo, na si Hesus ang aming Kristo! Ang Anak ng Diyos na buhay kailanman! Siya ang magliligtas sa amin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa amin nang ligtas sa Kanyang kaharian sa langit! Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: