Ika-17 Linggo Sa Karaniwang Panahon
30 Hulyo 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 27 Hulyo 2014.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 27 Hulyo 2014.)
I-Phone o Samsung na latest model? Latest na high-ends na mga gadgets? Ipokrito ka kung sasabihin mong ayaw mo nito. O baka naman low tech ka? O baka napag-iiwanan na ng panahon?
Puwede ring iba naman ang gusto mo. Magarang bahay o mansyon o condominium? O mapormang luxury cars? O baka gusto mong sumikat? O magkaroon ng kapangyarihan sa gobyerno?
Aminin man natin o hindi, ang mga bagay na ito ang sukatan ng mundo. Hahangaan ka ng marami kapag nasa iyo ang mga bagay na ito. Ganito ka-materialistic ang mundo. Hindi nga ba't kapag may mga bago tayong gamit ay lagi natin itong kinukunan ng picture upang i-post sa facebook?
Ipinapaalala ng Ebanghelyo natin ngayong Linggo na may mas mahalaga pa sa mga materyal na bagay na naluluma, nasisira at nananakaw. Inihalintulad ni Hesus ang Kaharian ng Diyos sa isang perlas, sa kayamanan at sa lambat. Para sa ating mga Katoliko, dapat na higit na mahalaga ang Kaharian ng Diyos kumpara sa mga latest gadgets. Hindi natin ito dapat na ipagpalit sa kahit na anupamang bagay.
Natutuwa nga ako kapag nakakakuwentuhan ko ang ilang elders ng community namin. Marami sa kanila ang kapos sa buhay subalit makikita mo sa kanila ang kaligayahan habang umaasa sa awa ng Diyos. Wala sa kanila ang mga materyal na bagay subalit makikita sa kanila ang higit na mahahalaga sa buhay. Kapayapaan. Kakuntentuhan. Kapahingahan. Kabuluhan. Kahulugan. Direksyon. At hindi nila ipagpapalit ang mga bagay na ito.
Latest gadgets o ang Kaharian ng Diyos? Kung latest gadgets ang pinili natin, pagnilayan natin ang buhay natin ngayon. Baka masyado na tayong absorbed ng pagka-materialistic ng mundo. Baka nakakalimutan na natin ang Diyos.
Mag-ingat! Baka kalimutan din tayo ni Hesus sa wakas ng panahon. Sa panahong iyon, tayo'y tulad ng mga isdang nahuli ng isang lambat. Paghihiwalayin ang mabuti at ang masama. Titipunin ang mabubuti at itatapon sa apoy ang mga makasalanan.
Panalangin:
Ang kaligtasang kaloob ni Hesus ay katulad ng isang kayamanan at ng isang mahalagang perlas, palagian po sana namin itong pahalagahan. Maramdaman po sana namin ang Kanyang pag-ibig sa Sakripisyo ng Banal na Misa. Makihati po sana kaming lagi sa Kanyang piging. Sa paghahati ng Tinapay at sa pag-aalay ng Alak. Ang Kanyang tunay na Katawan at Dugong inihandog para sa amin.
O aming Ama, pinasasalamatan po namin ang lahat ng biyayang ipinagkakaloob Mo sa araw-araw. Batid po naming hindi Mo po kami kailanman pinababayaan. Salamat po sa Inyong kabutihang walang hanggan. Palagian Mo pong pagharian ang aming buhay. Ariin Mo po itong handog para sa Iyong kaluwalhatian.
Ang lahat ay itinataas namin sa matamis na pangalan ni Hesus, ang Bugtong mong Anak, na nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.