Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon - 30 Hulyo 2023

 Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo



Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. ” (Mateo 10:31)

Unang Pagbasa: 1 Hari 3:5.7-12

Noong mga araw na iyon, ang Panginoo’y napakita kay Solomon sa panaginip. “Ano ang ibig mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya. 

Sumagot si Solomon, “Panginoon, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, bagaman ako’y bata pa’t walang karanasan. Pinapamuno mo ako sa iyong bayan, sa bayang ito na hindi na mabilang sa dami. 

Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling. Sapagkat sino ang maaaring maghari sa bayan mong ito na napakalaki?” 

Ikinalugod ng Panginoon ang hiling ni Solomon. Kaya’t sinabi sa kanya, “Yamang hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo’y pagkaunawa at katalinuhang humatol, ipinagkakaloob ko sa iyo ang hiniling mo. Binibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna, maging sa mga susunod pa sa iyo.”

Salmo: Awit 118 

Tugon: Iniibig ko nang lubos 
            tanang utos mo, Poong D’yos!

Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay, 
kaya ako’y nangangakong susundin ang kautusan. 
Higit pa sa ginto’t pilak nitong buong sanlibutan, 
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. 

Aliwin mo sana ako niyang pagibig mong lubos, 
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod. 
Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay, 
ang lubos kong kasiyaha’y nasa iyong kautusan. 

Mahigit pa kaysa ginto, pag-ibig ko sa ‘yong aral, 
mahigit pa kaysa gintong binuli at dinalisay. 
Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod, 
pagkat ako’y namumuhi sa anumang gawang buktot. 

Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo, 
iya’y aking iingata’t susundin nang buong puso. 
Ang liwanag ng turo mo’y nagsisilbing isang tanglaw, 
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan. 

Ikalawang Pagbasa: Roma 8:28-30

Mga kapatid: 

Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti. 

Sapagkat sa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito’y itinalaga niyang maging tulad ng kanyang Anak, at sa gayon, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan. 

Mabuting Balita: Mateo 13:44-52

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ang Paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng tuwa, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon. 

Gayundin naman, ang Paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. 

Ang Paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukud-bukurin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kuwenta. 

Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin. 

Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Hesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: