Idalangin Natin Ang Simbahan

Sunday Gospel Reflection

Ika-21 Linggo Sa Karaniwang Panahon
27 Agosto 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 24 Agosto 2014.)


Klasikong paghahambing:

Kapag ang isang nagbabagang uling ay inihiwalay mo sa mga kasama nitong uling,  mawawalan ito ng ningas at baga.

Eto pa ang isa:

Hindi magagamit pangwalis ang isang pirasong tingting libang itali ito kasama ng maraming piraso ng tingting. 

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, ipinapaalala sa ating tayo'y bahagi ng isang simbahan. Isang Simbahang-taong itinatag ni Hesus at itinagubilin kay San Pedro at sa mga apostol. Ang mga apostol, na katulad din nating mga mahihina at mga makasalanan, ang naging pasimula ng ating pananampalataya. Sabi nga, hindi sila qualified pero ginawa silang karapat-dapat ng Diyos.

Madalas kong marinig ang opinyong hindi natin kailangan ng simbahan upang tayo'y magkamit ng kaligtasan. Mali ang isiping ito dahil walang mananampalatayang hindi mangangailangan ng iba. Nobody is an island. Bagkus, ang pananampalataya ay higit na lumalalim sa pamamagitan ng pakikisalamuha natin sa ating mga kapwa-Katoliko.

Tulad tayo ng isang uling na dapat nakadikit sa mga kapwa uling upang manatiling nagbabaga. Para tayong isang pirasong tingting na limitado ang magagawa kung tayo'y nag-iisa. Kailangan nating maging bahagi ng isang kabuuan upang maging epektibo tayong mga lingkod.

Nariyan ang ating simbahan upang tulungan tayong hanapin ang kabanalang nasa kalooban na natin dahil si Hesus ay nananahan sa ating mga puso. Kailangan lamang nating buksan ang ating mga sarili upang tanggapin Siya. 

Idalangin natin ang ating simbahang patuloy na sinusubok. Maging matatag nawa tayo sa pagharap sa mga spiritual challenges. Idalangin din po natin ang mga pinuno ng Simbahang-Katolika, lalo na ang ating Santo Papa, si Pope Francis, na kahalili ni San Pedro sa ating panahon. Bigyan nawa siya ng lakas ng katawan, ng kaluluwa at ng espiritu upang maipagpatuloy niya ang kanyang paglilingkod.

Tayo'y bahagi ng simbahan, ng iisang katawang si Hesus ang ulo. Huwag tayong makuntentong maging mga saksi at mga observer lamang. Matuto tayong makilahok at makialam. Idalangin nating sa tulong ng simbahan, magawa nating ibigin ang Diyos at ang ating kapwa bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Panalangin:

Lubhang mahabaging Diyos, patuloy Ka naming sinasamba at minamahal.

Pinasasalamatan po naming niloob Ninyong maging bahagi kami ng Iyong Simbahan. Salamat po sa pagkakataong makabahagi kami sa kaluwalhatian ng kaharian ng aming Panginoong HesuKristo.

Sa linggo pong ito, idinadalangin po namin ang aming Santo Papa, kahalili ni San Pedro at kinatawan ni Hesus sa mundo. Bigyan N'yo pa po Siya ng kinakailangan lakas ng katawan at kalusugan upang patuloy niyang magawa ang kanyang tungkulin sa aming simbahan.

Idinadalangin din po namin ang lahat ng mga Obispo at ang kapariang nagsisilbing mga pastol ng mga sambayanang Katoliko.

Gawin Mo po kaming karapat-dapat sa iyong pag-ibig at sa buhay na walang hanggan.

Sa pangalan ni Hesus, isang Simbahan po kaming lumalapit sa Iyong awa, sa panalangin ng aming inang si Maria at sa paggabay ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: