Sinabi ng Panginoon kay Sabnang katiwala sa palasyo: “Aalisin kita sa iyong katungkulan, at palalayasin sa iyong kinalalagyan.
Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliaquim na anak ni Helcias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuutan, ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda. Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David; ang kanyang buksa’y walang makapagsasara, at walang makapagbubukas ng ipininid niya. Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda, itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar, at siya’y magiging marangal na luklukan, para sa sambahayan ng kanyang ama.”
Salmo: Awit 137
Tugon: Pag-ibig mo’y di kukupas,
gawain mo’y magaganap!
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ikaw’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Dakila man ang Poong D’yos, mahal din niya ang mahirap,
kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat.
Ang dahilan nito, Poon, pag-ibig mo’y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.
Ikalawang Pagbasa: Roma 11:33-36
Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat:“Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon, o sino ang naging tagapayo niya? Sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos para siya nama’y gantimpalaan?”
Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya, at sa kanya ang lahat ng bagay. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen!
Mabuting Balita: Mateo 16:13-20
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.”
“Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”
Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”
At mahigpit niyang tinagubilinan ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.