Keys To A Miracle?

Gospel Reflection

Ika-20 Linggo Sa Karaniwang Panahon
20 Agosto 2023

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 17 Agosto 2014.)


Ang bawat nakakandadong pinto ay may kaukulang susi. Katulad ng babae sa ating Ebanghelyo, marami sa atin ang humihingi ng himala. Maraming klase ng himala. May malalaking himala. May mumunting himala. Ano nga ba ang susi upang kamtin ang isang himala?

Pananampalataya. Sinabi ni Hesus, "kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi sana ninyo sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang magiging imposible para sa inyo." (Mateo 17:20) Lubhang napakalakas ng kapangyarihan ng pananampalataya. Sabi nga ng ating mga lay speakers, anuman ang hinihingi mo sa panalangin, angkinin mo nang natanggap mo na at matatanggap mo ito.

Pagpapakumbaba. Dapat nating tandaang tayo'y mga lingkod lamang ng Diyos. Tayo ang humihingi ng Kanyang awa at pagpapala. Kahit na gaano karaming kabutihan ang gawin natin, kulang na kulang ito kung ikukumpara sa Kanyang kabutihan. 


Bukas na kalooban. May plano ang Diyos para sa atin. Huwag nating pangunahan ang Kanyang mga plano. Marami kasi sa atin ang mas marunong pa sa Diyos. Alam Niya kung ano ang mas makabubuti sa atin. Maging bukas tayo sa Kanyang kalooban.


Ganap na pagsuko. Ibigay natin ang lahat sa Diyos. Itaas natin sa Kanya ang lahat ng ating mga problema. Patuloy tayong gumawa sa pag-asang tutulungan tayo ng Diyos. Isipin nating ang lahat ng ating mga paghihirap at pagpapakasakit ay pakikihati natin sa Kanyang pasyon. Sa pagpapasakop natin sa Kanyang kalooban, tayo'y nagtitiwalang hindi Niya tayo kailanman pababayaan.


Ang tunay na himala'y hindi ang pagkakamit nito kundi ang ganap na paghahangad at pagpapasakop sa walang-hanggang pag-ibig ng Diyos. Dahil gaano man kadakila ang isang himala, mumu lamang ito kung ikukumpara sa walang hanggang buhay na inihanda Niya para sa mga nananalig sa Kanya. Kamtin man natin o hindi ang minimithi natin, kapayapaan at ganap na pagtitiwala sa Diyos ang magiging bunga nito. Gusto mo bang dumanas ng himala sa araw na ito? Pagyakap sa pag-ibig Niya ang susi dito.

Panalangin:

O aming Ama, ang lahat ng pagluwalhati at pasasalamat ay sa Iyo. Ang kabutihan at pag-ibig mo'y hindi magmamaliw. Ang puso namin at buong buhay ay ipinagkakaloob po namin sa Iyo. Gamitin Mo po kami para sa Iyong kaluwalhatian. 

Sa pamamagitan po sana ng aming mga paghihirap, makita ng iba na ako'y iniibig Mo at hindi Mo ako pinababayaan. Totoo pong may mga hinahangad kaming tila imposible subalit Panginoon, lumuluhog po kami sa Iyo, tulungan Mo po kami.


Sa araw-araw ng aming buhay, makita po sana naming lagi ang Iyong mukha sa aming kapwang nangangailangan ng tulong. Batid po naming naghihirap din silang katulad namin. Maramdaman po sana nila ang pag-ibig Mo sa pamamagitan namin.


Ang lahat po ng ito ay itinataas namin sa matamis na Pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: