“Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” (Mateo 15:27)
Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan: “Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin. Ang pagliligtas ko’y di na magluluwat, ito ay darating. Ito’y mahahayag sa inyong paningin.”
Ito naman ang sabi ng Panginoon sa mga dating dayuhan na ngayo’y kabilang sa kanyang bayan, buong pusong naglilingkod sa kanya, nangingilin sa Araw ng Pamamahinga, at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok. Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo. Tatanggapin ko ang inyong mga handog, at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Salmo: Awit 66
Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao!
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagka’t matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Ikalawang Pagbasa: Roma 11:13-15.29-32
Mga kapatid: Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Yamang ako’y apostol ninyo, pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila.
Kung naging daan ng pakikipagkasundo ng sanlibutan sa Diyos ang pagkakatakwil sa kanila, ang muling pagtanggap sa kanila’y para na ring pagbibigay-buhay sa patay.
Ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Dati, masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo’y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga Judio. Gayundin naman, sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.
Mabuting Balita: Mateo 15:21-28
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Cananeang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus.
At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.”
Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang anak.