Ika-30 Linggo Sa Karaniwang Panahon
29 Oktubre 2023
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 26 Oktubre 2014.)
Ano kaya ang maramdaman mo kung Ikaw ang Diyos? Na matapos mong gawin ang lahat para sa tao, lagi pa ring tumatalikod sa iyo ang tao? Na ikaw na ang gumawa ng paraan para makalapit uli sa iyo ang sangkatauhan pero nanatili pa rin silang lumalayo?
Naunang magmahal sa atin ang Diyos. Ang pagsunod natin sa unang pinakadakilang utos ay pagtugon lamang natin sa pagmamahal na ito. Dapat nating mahalin ang Diyos ng higit sa lahat dahil ito lamang ang nararapat. Matapos ang lahat ng kabutihang Kanyang ginawa, kulang na kulang pa ang pag-ibig na maaari nating ialay sa Kanya.
Ang ikalawa naman ay ang pag-ibig sa ating kapwa katulad ng ating sarili. Minsan napakahirap gawin nito, lalo na't hindi naman kaibig-ibig ang karamihan sa ating kapwa.
Isipin natin ito, hindi ba't kapag mahal natin ang isang tao, dapat din nating mahalin ang mga taong minamahal niya? Mahal ng Diyos ang lahat ng tao. Ang anumang kasalanang gawin natin sa iba'y nakakasakit din sa Diyos. Mahalin natin ang ating kapwa dahil mahal din sila ng Diyos kung paanong mahal tayo ng Diyos.
Pagsunod din ito sa utos na iniwan ni Hesus sa Kanyang mga alagad bago Siya maaresto at magpakasakit para sa atin. "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minamahal, gayon kayo magmahalan." (Juan 13:34)
Ang pag-ibig ang puso ng lahat ng mga nasusulat sa Biblia. Makabisado mo man ang buong kasulatan kung wala kang pag-ibig, walang silbi ang lahat.
Kaya wala tayong dapat gawin kundi magmahal. Love. Love. Love. 'Wag kang multo.
Panalangin:
Panginoon naming Diyos, hayaan Mo pong ihandog namin sa Inyo ang aming mga puso. Tinulot po Ninyong mahalin namin kayo sa kabila ng aming mga kasalanan. Patuloy Mo po kaming minahal. Patuloy Mo po kaming kinalinga kahit na tinalikuran Ka namin.
Ama, hayaan Mo pong lumapit kami sa Iyo sa pamamagitan ni Hesus. Taglay ang pusong nagsisisi, nangangako kami ng pag-ibig sa Iyo kahit na humarap pa kami sa matinding pagsubok.
Makita Ka po sana namin sa aming kapwa. Hayaan N'yo pong mahalin namin sila kung paanong kami'y inibig Mo. Ama, makilala Ka po sana nila sa pamamagitan namin.
Ang lahat ng ito, sa pangalan ni Kristong aming Panginoon, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.