RSVP

Sunday Gospel Reflection

Ika-28 Linggo Sa Karaniwang Panahon
15 Oktubre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 12 Oktubre 2014.)


Madalas nating mabasa ang acronym na RSVP sa mga invitations ng malalaking handaan. Nangangahulugan itong kailangang mag-confirm ng taong imbitado kung makararating sila sa okasyon.

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, iniimbitahan tayo ng Diyos na dumalo sa isang makalangit na handaang inihanda Niya para sa mga karapat-dapat sa Kaharian Niya. Lagi Niyang ipinaparating ang imbitasyong ito sa maraming paraan. Ginagamit Niya ang ibang tao. Ang media. Ang social media at internet. Nasa atin na kung sasagot tayo sa imbitasyon.

RSVP ang nasabing piging. Kailangan nating i-confirm kung tayo'y dadalo. Sa talinghaga ni Hesus, marami sa mga inimbitahan ang tumangging magpunta sa handaan. Ganu'n din tayo. Marami tayong mga dahilan sa ating pagtanggi sa Diyos. Masyado tayong busy. Marami tayong ibang mga bagay na iniisip.

[Hindi tayo makapagsimba. Ang Misa pa naman ang pinakamataas na anyo ng pagsamba sa Diyos. Ang Misa rin ang nagsisilbing paghahanda natin sa makalangit Niyang piging.]

Isang kasalan ang ating pupuntahan. Sa isang kasalan pinagtitibay ang pag-ibig ng dalawang tao. Ipinapahayag nila ang kanilang commitment sa isa't-isa. Ipinapangako nilang walang makapaghihiwalay sa kanila.

Sa kasalang inihanda ng Ama, si Hesus ang nobyo at ang Simbahan ang nobya. Ipinapahayag natin ang pag-ibig natin sa Diyos na hindi napagod magmahal sa atin. Ikino-commit din natin ang ating mga sarili sa Diyos.

Dapat nating ihanda ang ating mga sarili sa pagtungo sa makalangit na piging. Kung paanong naghahanda tayo para sa isang handaan. Ihahanda natin ang ating isusuot. Pati ang travelling arrangements. Ang mga kakailanganin natin.

RSVP ang okasyon pero hindi sapat na sumagot tayo ng "oo". Kailangang back-up-an natin ito ng mga paghahanda. Kailangan nating kilalanin ang Diyos. Kailangan nating manalig sa Kanya. 

Sa pagsagot natin ng "oo" sa Kanya, ipinapangako nating susundan natin ang mga yapak ni Hesus. Iibigin natin Siya at ang mga iniibig Niya-- ang ating kapwang nangangailangan. Bubuo tayo ng isang love story kasama ang Diyos. Isang love story na magka-climax sa isang makalangit ng piging.

What if mamatay ka ngayon? Handa ka na bang humarap sa piging ng Panginoon?

Panalangin:

Ama, sa aming pakikihati sa Banal na Misa, hayaan Mo pong maging paghahanda ito sa malaking handaang inihanda Mo para sa mga tapat sa Iyo. Sa pamamagitan ng aming pagsisimba at paglilingkod sa Iyo, ipinapahayag namin sa mundo na Ikaw ang aming Diyos. Patuloy Ka naming pinupuri, niluluwalhati at sinasamba. Gawin Mo po kaming karapat-dapat sa aming pakikihati sa Katawan at Dugo ng Iyong Bugtong na Anak.

Ama, makarating po sana ang Iyong kaligtasan sa mga taong hindi pa naaabot ng Mabuting Balita. Tanggapin po sana nila ang Iyong inaalok na buhay na walang hanggan.

Pagharian po sana kami ng Espiritu Santo sa araw-araw naming mga buhay. Sundin po sana naming lagi ang Iyong kalooban. 

Sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: