Unang Pagbasa: Isaias 25:6-10
Sa Bundok ng Sion, aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa. Gagawa siya ng isang piging para sa lahat na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin. Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa. Lubusan na niyang papawiin ang kamatayan. Papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat; aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat: “Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan, ang inaasahan nating magliligtas sa atin. Magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.” Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat: “Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan, ang inaasahan nating magliligtas sa atin. Magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.” Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.
Salmo: Awit 23:1-3. 3-4. 5. 6
Tugon: Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal!
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagka’t ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Ikalawang Pagbasa: Filipos 4:12-14.19-20
Mga kapatid: Naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.
Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin. At buhat sa kayamanan ng Diyos na hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.
Mabuting Balita: Mateo 22:1-14
Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay.
Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lunsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama’t mabuti, anupa’t napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit-pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamitpangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”