Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
25 Disyembre 2020
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa sa Hatinggabi
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa sa Araw
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 25 Disyembre 2014.)
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa sa Araw
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 25 Disyembre 2014.)
Dalawang libong taon na ang nakalilipas nang isilang si Hesus sa isang sabsaban sa Betlehem. Noon pa Niya tinubos ang sangkatauhan at binigyang-pagkakataon sa buhay ng walang hanggan. Tapos na ang pagsama ni Hesus sa ating kasaysayan.
Pag-alaala. Ang Pasko ngayong taon ay pag-alaala na lamang sa mga naganap noong gabi ng isilang ang Kordero ng Diyos. Hindi na muling isisilang si Hesus. Subalit ano pa nga ba ang kahalagahan nito?
Ang Pasko ay pagninilay sa estado ng ating buhay at pananampalataya. Isinilang na ba si Hesus sa buhay natin? Sa puso natin? Tinanggap na ba natin Siya?
Walang kondisyon ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Hindi Niya kailangang maging puro at walang bahid ng kasalanan ang ating mga puso. Minahal Niya tayo sa kabila ng ating kadumihan. Papasukin natin Siya at tanggapin sa ating mga puso. Hindi na mahalaga kung marumi ang ating kalooban. Ang mahalaga ay ang kahandaan nating tanggapin Siya.
Isinilang si Hesus sa isang sabsaban. Doon natutulog, kumakain at dumudumi ang mga hayop. Hindi maselan ang Diyos. Handa Siyang ibigin tayo kahit na hindi tayo malinis.
Tapos na ang Pasko. Ipinakita na ng Diyos at patuloy Niyang ipinapakita sa atin ang walang hanggan Niyang pagmamahal sa atin. Hinubad Niya ang lahat ng kaluwalhatian para sa atin. Naging katulad natin si Hesus maliban sa kasalanan.
Isinilang si Hesus dalawang libong taon na ang nakalilipas. Isinilang na ba Siya sa puso natin? Inibig na ba natin ang ating kapwa? Humingi na ba tayo ng tawad? Nagpatawad na ba tayo?
Panalangin:
Ama naming umibig sa amin ng lubos, ang aming puso ay inihahandog namin sa Iyo. Pinatutuloy po namin sa aming buhay ang aming Panginoong Hesus. Ang lahat ng pagluwalhati at papuri ay handog namin sa Iyo.
Ama, hayaan po Ninyong gantihan namin ang pag-ibig na ipinagkaloob Mo sa amin. Turuan Mo po kaming tulungan at mahalin ang aming kapwang nangangailangan. Turuan Mo po kaming maging bukas-palad.
Maunawaan po sana naming si Hesus ang tunay na puso na diwa ng Pasko. Magawa po sana naming i-focus sa Kanya ang aming pagdiriwang. Maintindihan po sana naming may higit na mahalaga kaysa sa mga materyal na bagay.
Pamilya. Pamayanan. Pag-ibig. Pagpapatawa. Paghingi ng tawad. Pagkakasundo.
Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, isinilang sa isang sabsaban para sa amin, kasama MO at ng Espiritu Santo. Amen.