Child-like Faith

 Gospel Reflection

Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol 
17 Enero 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 18 Enero 2015.)


Minsang naging bata si Hesus. Nangailangan Siya ng pagkalinga ng isang ina. Hinanap niya ang kanlungan ng isang ama. Naglaro Siya. Nadapa. Nagkasakit. Umiyak. Nag-aral. Naging bata.
Hinihimok tayo ng kapistahan natin ngayong Linggo na alalahanin ang ating pagiging bata. Kung paano tayong lumaki sa kalinga ng ating mga magulang o ng ating guardian. Kung paano tayo unti-unting natuto sa buhay at nagkaisip.

Bilang isang bata, ganap tayong nagtiwala sa ating mga magulang. Alam nating hindi sila gagawa ng anumang ikapapahamak natin. Kapakanan lamang natin ang iniisip nila. Minahal natin sila subalit nauna silang nagmahal sa atin bago pa man tayo magkaisip.

Ganito rin ang pananampalataya at pagtitiwalang hinihingi sa atin ng Diyos. Bilang Kanyang mga anak, nararapat lamang Siyang pagkalooban ng pagmamahal na nararapat sa isang mabuting magulang.

Lumaki si Sto. Niño at naging isang mabuting lingkod ng Ama. Siya'y naging isang mabuting Anak. Tularan sana natin Siya. Huwag sanang mawala sa atin ang mga mabubuti nating mga katangian bilang mga bata. 

Hindi na tayo mga bata subalit manatili sana sa atin ang ating kababaang-loob, pananampalataya at pagmamahal sa ating Amang Diyos.

Panalangin:

O aming Ama, Ikaw na nagpahintulot na maging isang paslit ang aming Panginoong Hesus, ang lahat ng pagsamba at papuri ay handog namin sa Inyo. 

Magawa po sana naming tularan ang halimbawa ng Iyong Anak. Sa Kanyang pagpapakumbaba, tulungan Mo po kaming lumapit at umasa sa Inyo. Turuan Mo po kaming magmahal ng walang pinipili. Bigyan Mo po kami ng pananampalataya.

Maunawaan po sana naming kaming lahat ay inangkin Mong anak. Pantay-pantay. Itinalagang mag-ibigan katulad ng pag-ibig ni Hesus.

Ang lahat ng ito sa pangalan ng aming Panginoong Hesus, minsang naging Sanggol para sa aming kapakanan, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: