Mga Mukha Ni Kristo


Kapistahan ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoon
06 Agosto 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 01 Marso 2015.)


Napakanatural ng reaksyon ni Pedro nang sabihin niya, "Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias. " 

Bakit pa nga naman nila kailangang magtungo sa Jerusalem? Delikado pa para sa kanila ang magtungo sa nasabing lungsod.

Sino ba ang ayaw na manatili sa piling ng kaluwalhatiang nakikita nila? Kahit siguro sinuman ang malagay sa katayuan ni Pedro ay ganu'n din ang sasabihin.

At ganito ang marami sa atin, we love Jesus in all His glory. Mahal natin Siya sa panahong madali Siyang mahalin. Madali rin tayong bumitiw kapag may mga balakid na. Naaalala ko tuloy ang dialogue ng karakter ni Kristo sa Senakulo, "may kusa ang diwa subalit mahina ang laman." (Mateo 26:41)

Kilala natin Siya kapag nasa simbahan tayo. Nalilimutan natin Siya kapag kasama na natin ang ibang tao. Hindi natin Siya nakikita sa ating kapwang ngangangailangan ng tulong. Sa kabilang banda, hindi rin natin Siya nakikita sa mga taong tumutulong sa atin. 

Bago at matapos ang transfiguration, si Hesus ay Anak ng isang karpentero. Isang Diyos na naging simpleng taong katulad mo at katulad ko. Ang kaibahan lamang natin sa Kanya'y ang Kanyang kawalan ng kasalanan. Nasasaktan din Siya. Napapagod. Nagugutom. Nauuhaw. Nalulungkot. Tumatangis.

Kaya ba nating makihati sa Kanyang paghihirap sa Kanyang pasyon at pagkamatay sa krus?  Kaya ba nating tularan ang Kanyang pag-ibig? Minahal Niya kahit pa ang Kanyang mga kaaway? Hindi ba't maging ang mga umusig sa Kanya'y ipinalangin Niya habang nakabayubay Siya sa krus?

Katulad ba tayo ni Pedro? Mas gusto nating manatili sa safety ng ating comfort zone? Ayaw nating mahirapan. Ayaw nating magsakripisyo para sa iba. Mahal natin ang kaluwalhatian ni Hesus pero hindi ang kaakibat na hirap ng pagsunod sa Kanya.

Ang transfiguration ay isa lamang sa maraming Mukha ni Kristo. Ipinakita sa mga apostol ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan nito. Ito rin ang nagpakita ng Kanyang kababaang-loob. Kung ano ang Kanyang ipinagpalit para masagip lamang tayo.

Siya ang Anak ng karpintero. Siya ang nakasalamuha ng mga mangingisda at ng mga makasalanan. Siya ang ating kapwang nangangailangan ng ating tulong. Siya ang mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw. Nakikita ba si Hesus sa pakikitungo natin sa iba?

[Sa Kapistahang ito ng Pagbabagong-Anyo ng ating Panginoon, tanungin natin ang ating mga sarili.] Kailan ba natin mahal si Hesus? Kapag lang ba maningning ang Kanyang mukha? Iiwasan din ba natin ang ating personal na kalbaryo? Iiwasan din ba natin ang krus na dapat nating pasanin upang makasunod sa Kanya?

Panalangin:

Ama, Ikaw na nag-utos sa aming sundin ang Iyong pinakamamahal na Anak, ang amin pong puso, isip at buong pagkatao'y ipinagkakaloob namin sa Inyo.


Humihingi po kami ng kapatawaran sa mga pagkakataong tinatalikuran namin si Hesus. Sa mga pagkakataon pong nalilimutan naming mahalin ang aming kapwang ninais Mong ibigin namin tulad ng aming sarili.

Pinatikim Mo po sa mga apostol ang kaluwalhatian sa piling ng aming Panginoon, pagdating po sana ng takdang panahon, magawa po sana naming makisalo sa kaluwalhatiang ito sa piling Mo.

Batid po naming hindi magiging madali ang lahat. Bigyan po sana kami ng lakas ng Espiritu Santo na maharap ang mga pagsubok sa pagsunod namin sa halimbawa ng aming Panginoong Hesus.

Ang lahat ng ito sa matamis at maluwalhating pangalan ng Iyong Anak na si Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: