Linggo ng mga Kura Paroko
Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuutan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab.
Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.
Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.
Salmo: Awit 96
Tugon: Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili!
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
Ikalawang Pagbasa: 2 Pedro 1:16-19
Mga pinakamamahal: Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit: “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.
Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mamanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala ng umaga’y maglagos sa inyong puso.
Mabuting Balita: Mateo 17:1-9
Noong panahong iyon: Isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus.
Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol; isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ang mga alagad ay natakot nang gayon na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Nguni’t nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot!”
At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus. At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”