24 - 30 Mayo 2015



“Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos! 25 Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos.”
(Marcos 10:24-25)

24-Linggo 25-Lunes 26-Martes 27-Miyerkules 28-Huwebes 29-Biyernes 30-Sabado

_________________________________________
24 Mayo 2015
Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa:  Gawa 2:1-11; Salmo: Awit 104: 1. 24. 29-30. 31. 34; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 12:3-7.12-13; Mabuting Balita: Juan 20:19-23)

“Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” (Juan 20:21)

_________________________________________

25 Mayo 2015

Unang Pagbasa: Sirac 17:20-28; Salmo: Awit 32:1-7;
Mabuting Balita: Marcos 10:17-27

17 At nang palakad na siya, isang tao ang patakbong sumalubong sa kanya at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng buhay na walang hanggan?”


18 Sumagot sa kanya si Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam mo ang mga utos: Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri sa kapwa, huwag mandaya, igalang ang iyong ama at ina.” 20 Sinabi sa kanya ng tao: “Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?”


21 Kaya tinitigan siya ni Jesus at minahal siya, at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”


22 Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya.


23 Kaya tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang makapasok ang mga may kayamanan sa kaharian ng Diyos.” 24 Takang-taka nga ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi ni Jesus sa kanila: “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos! 25 Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos.”


26 Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” 27 Tinitigan sila ni Jesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.”


26 Mayo 2015

Unang Pagbasa: Sirac 35:1-12; Salmo: Awit 50:5-23;
Mabuting Balita: Marcos 10:28-31

28 Nagsalita naman si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” 29 Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo 30 na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit niya ang buhay na walang hanggan.


31 May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”


27 Mayo 2015

Unang Pagbasa: Sirac 36:1-17; Salmo: Awit 79:8-13;
Mabuting Balita: Marcos 10:32-45

32 Sa paglakad nila paahon sa Jerusalem, nanguna si Jesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: 33 “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. 34 Pagtatawanan nila siya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw.”


35 Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” 36 At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto ninyong gawin ko?” 37 Sumagot sila: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.”


38 Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibininyag sa akin?” 39 Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. 40 Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa  iba.”


41 Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. 42 Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. 43 Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; 44 ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo.


45 Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”


28 Mayo 2015

Unang Pagbasa: Sirac 42:15-25; Salmo: Awit 33:2-9;
Mabuting Balita: Marcos 10:46-52

46 Dumating sila sa Jerico. At pag-alis niya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabi ng daan – si Bartimeo, ang anak ni Timeo. 47 Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, Anak ni David.” 48 Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa akin!”


49 Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” 50 Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus.


51 Kinausap ito ni Jesus at sinabing: “Ano ang gusto mong gawin ko?” At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.” 52 At sinabi naman ni Jesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.”


Agad siyang nakakita at sumunod siya kay Jesus sa daan.


29 Mayo 2015

Unang Pagbasa: Sirac 44:1-13; Salmo: Awit 149:1-9;
Mabuting Balita: Marcos 11:11-26

11 Dumating si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Minasdan niya ang lahat at dahil magdadapithapon na, bumalik siya sa Betania kasama ng Labindalawa.


12 Kinaumagahan, paglabas nila sa Betania, nagutom siya. 13 Nang mapansin niya sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, nilapitan niya iyon kung makakakita siya roon ng anuman. Ngunit paglapit niya, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon lamang. Hindi nga panahon ng igos. 14 Kaya sinabihan niya ang puno: “Wala nang bungang makakain mula sa iyo magpakailanman.” At narinig ito ng kanyang mga alagad.


15 Pagkarating ni Jesus sa Jerusalem, pumasok siya sa Templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa patyo ng Templo. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 16 At hindi niya pinayagang dumaan sa Templo ang may dalang anumang bagay.


17 Tinuruan niya sila at sinabi: “Hindi ba nasusulat na, tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa ang aking bahay? Ngunit ginawa ninyo itong kuta ng mga magnanakaw.”


18 Nabalitaan naman ito ng mga punong-pari at mga guro ng Batas at hangad nila siyang iligpit. Takot nga sila sa kanya sapagkat namamangha ang lahat sa kanyang pagtuturo.


19 At nang hapon na, muli silang lumabas ng lunsod.


20 Pagbalik nila kinaumagahan, nakita nilang natuyo hanggang ugat ang punong-igos. 21 Kaya naalaala ni Pedro ang tungkol dito at sinabi niya: “Guro, natuyo ang isinumpa mong punong-igos.”


22 At nagsalita si Jesus sa kanila: “Sumampalataya kayo sa Diyos. 23 Talagang sinasabi ko sa inyo: kung may magsasabi sa bundok na ito: ‘Tumayo ka’t itapon mo ang iyong sarili sa dagat!’ at wala siyang alinlangan kundi naniniwala siyang mangyayari ang kanyang sinabi, mangyayari ito sa kanya. 24 Kaya sinasabi ko sa inyo: anuman ang hingin ninyo sa panalangin, sumampalataya kayo na natanggap na ninyo at tatanggapin ninyo.


25 At pagtindig ninyo sa pananalangin, magpatawad kayo kung mayroon kayong sama ng loob kaninuman; 26 sa gayo’y patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan.”


30 Mayo 2015

Unang Pagbasa: Sirac 51:12-20; Salmo: Awit 19:8-11;
Mabuting Balita: Marcos 11:27-33

27 Muli silang dumating sa Jerusalem at paglakad niya sa Templo, nilapitan siya ng mga punong-pari kasama ang mga guro ng Batas at ang Matatanda ng bayan, 28 at tinanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo para gawin ito?”


29 Sinabi naman ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasagutin ko rin kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. 30 Galing ba sa Diyos ang pagbibinyag ni Juan, o sa tao? Sabihin ninyo sa akin.”


31 At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa kanya?’ 32 At paano naman natin masasabing galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan?” Takot nga sila sa bayan dahil tunay na propeta ang palagay ng lahat kay Juan. 33 Kaya isinagot nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”


24-Linggo 25-Lunes 26-Martes 27-Miyerkules 28-Huwebes 29-Biyernes 30-Sabado

Mga kasulyap-sulyap ngayon: