"Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan." (Mateo 28:19-20)
Unang Pagbasa: Deuteronomio 4:32-34.39-40
Sinabi ni Moises sa mga tao:
“Isipin ninyo kung may naganap nang tulad nito, nasaksihan o nabalitaan man lamang, mula nang likhain ng Diyos ang daigdig. Maliban sa inyo, sino pa ang nakarinig sa tinig ng Diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buhay? Sinong Diyos ang naglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipagsubukan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa ng Panginoon sa Egipto?
Dahil dito, dapat ninyong malaman na sa langit at sa lupa’y walang ibang Diyos liban sa Panginoon. Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa gayon, mapapanuto kayo at ang lahing susunod sa inyo; magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay niya sa inyo.”
Salmo: Awit 33:4-5. 6. 9. 18-19. 20. 22
Tugon: Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng Diyos!
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Sa utos ng Poon, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa’t talang maririkit;
ang buong daigdig sa kanyang salita
ay pawang nayari, lumitaw na bigla.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ’yo nasasalig!
Ikalawang Pagbasa: Roma 8:14-17
Mga kapatid, ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot. Ang tinanggap ninyo ay espiritu ng pagiging anak, at ito ang nagbibigay sa atin ng karapatang tumawag ng “Ama! Ama ko!”
Ang Espiritu nga ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Kristo. Sapagkat kung tayo’y nakikipagtiis sa kanya, tayo’y dadakilain ding kasama niya.
Mabuting Balita: Mateo 28:16-20
Noong panahong iyon, ang labing-isang alagad ay nagpunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Hesus. Nang makita nila si Hesus, siya’y sinamba nila, bagama’t may ilang nag-alinlangan.
Lumapit si Hesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.”