|
|
|
|
|
|
|
31 Mayo 2015
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa: Deuteronomio 4:32-34.39-40; Salmo: Awit 33:4-5. 6. 9. 18-19. 20. 22; Ikalawang Pagbasa: Roma 8:14-17; Mabuting Balita: Mateo 28:16-20)
"Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan." (Mateo 28:19-20)
01 Hunyo 2015
Unang Pagbasa: Tobit 1:3, 2:1-8; Salmo: Awit 112:1-6;
Mabuting Balita: Marcos 12:1-12
1 At nagsimula siyang magsalita sa talinhaga.
“May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo.
2 Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. 3 Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. 4 Nagpadala uli sa kanila ang may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hinamak. 5 Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa rin siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba.
6 Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At ipinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 7 Ngunit nang makita siya ng mga magsasaka, inisip nila: ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.’ 8 Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.
9 Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. 10 Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. 11 Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang ating nakita.”
12 Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinhagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.
02 Hunyo 2015
Unang Pagbasa: Tobit 2:9-14; Salmo: Awit 112:1-9;
Mabuting Balita: Marcos 12:13-17
13 Gusto nilang hulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. 14 Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?”
15 Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” 16 Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” 17 At sinabi niya sa kanila: “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
03 Hunyo 2015
Unang Pagbasa: Tobit 3:1-17; Salmo: Awit 25:2-9;
Mabuting Balita: Marcos 12:18-27
18 Lumapit naman kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli, kaya nagtanong sila: 19 “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may mga magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ 20 Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 21Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. 22 Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. 23 Ngayon, sa muling pagkabuhay, kung mabubuhay silang muli, kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”
24 Sumagot si Jesus: “Di kaya bunga ng di ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? 25 Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit.
26 At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanata ng palumpong: Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.”
04 Hunyo 2015
Unang Pagbasa: Tobit 6:10-11; 7:1.9-17; 8:4-9; Salmo: Awit 128:1-5;
Mabuting Balita: Marcos 12:28-34
28 May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”
29 Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. 30 At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. 31At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”
32 Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. 33 At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”
34 Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
05 Hunyo 2015
Unang Pagbasa: Tobit 11:5-17; Salmo: Awit 146:1-10;
Mabuting Balita: Marcos 12:35-37
35 Sa pagtuturo ni Jesus sa Templo, sinabi niya: “Ano’t sinasabi ng mga guro ng Batas na anak ni David ang Mesiyas? 36 Sinabi nga ni David nang kasihan siya ng Espiritu Santo: ‘Ang sabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Umupo sa aking kanan hanggang ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.’
37 Kung tinatawag siya ni David mismo na Panginoon, puwede bang anak siya ni David?”
Nasisiyahan ang bayan sa pakikinig sa kanya.
06 Hunyo 2015
Unang Pagbasa: Tobit 12:1-20; Salmo: Tobit 13:2-8;
Mabuting Balita: Marcos 12:38-44
38 Kaya sinabi niya sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, 39 at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. 40 Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.”
41 Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. Maraming mayamang nagbigay ng malalaking halaga. 42 At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya.
43 Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. 44 Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila, ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya – ang mismong ikabubuhay niya.”
|
|
|
|
|
|
|