In Mysterious Ways


Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
13 Hunyo 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 14 Hunyo 2015.)


Ito na siguro ang isa sa mga ultimate and timeless "hugot" song ng mga inlove. Tina-try ng kantang ito na i-explain kung gaano kahiwaga ang pagkilos ng pag-ibig sa bawat isa sa atin. Pag-ibig na madalas sa hindi ay napakahirap na maintindihan.

At totoo ngang ganito kahiwaga ang pag-ibig. Kung ganito ang sa tao, gaano pa kaya ang pag-ibig ng Diyos? Kumikilos ito sa paraang hindi natin talos at hindi abot ng ating isipan.

Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, inihambing ni Hesus ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng mga binhi. Hindi namamalayan ng naghasik kung paano subalit unti-unting tumubo, nag-uhay, lumago hanggang sa mahitik sa mga bunga ang kanyang inihasik na mga binhi.

Inihambing din Niya ang kaharian ng Diyos sa isang butil ng buto ng mustasa. Ito ang pinakamaliit sa mga butil subalit kapag natanim at lumago, nagiging pinakamalaki ito sa lahat ng puno.


Ganito ang pag-ibig ng Diyos. Kapag natanim ito sa puso ng tao, hindi natin namamalayan na unti-unti itong tumutubo at lumalago hanggang sa ang pag-ibig ay mamunga. At ang bunga ng Kanyang pag-ibig ay makikita sa pang-araw-araw nating mga buhay. Sa unti-unting pagbabago sa ating mga sarili. Little by little everyday, sabi nga, unti-unti tayong nagiging Christ-like.

Pinipilit nating tularan si Hesus sa Kanyang kababaang-loob, kahinahunan, pagiging masunurin.

At hindi lang ito natatapos sa ating mga sarili. Unti-unti rin, nahahawa sa atin ang mga tao sa paligid natin. Hindi natin namamalayan, naibabahagi na pala natin sa ating mumunting mga paraan ang pag-ibig ng Diyos sa iba.

Ang dating mumunting butil ng pag-ibig ng Diyos na ipinaramdam Niya sa pamamagitan ng ibang tao ay naging katulad ng isang malagong puno ng mustasang nagmula sa isang maliit na butil.

Hayaan nating kumilos sa atin ang Espiritu Santo. Damhin natin at ibahagi sa iba ang pag-ibig ng Diyos na kumikilos in mysterious ways. Dumating na sa atin ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Pagharian nawa Niya ang ating buhay at buong pagkatao.

Panalangin:

O aming Ama, nag-iisang Diyos na makapangyayari sa lahat, Ikaw na mula pa noong una'y umibig sa amin ng walang katapusan; pag-ibig, pagsamba, pagluwalhati at pasasalamat ang alay namin sa Iyo.

Sa paggabay ng Espiritu Santo at sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesus, hayaan Mong italaga namin ang aming mga buhay sa pag-ibig Mong daluyan ng Iyong biyayang siksik, liglig at umaapaw. Magawa po sana naming ibahagi ito sa aming kapwa at masalamin po sana ito sa aming pang-araw-araw na pamumuhay.

Batid po naming hindi kami karapat-dapat sa Iyong pag-ibig subalit umaasa po kami sa Iyong walang hanggang awang pumupuno sa aming mga pagkukulang. Turuan Mo rin po sana kaming magpatawad sa mga nagkasala sa amin. 

Sa pangalan ni Hesus na Siyang pinakadakilang handog ng Iyong pag-ibig. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: