At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang punong basket. (Mateo 14:20)
|
|
|
|
|
|
|
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
(Unang Pagbasa: Exodo 16:2-4.12-15; Salmo: Awit 78:3-4. 23-24. 25. 54; Ikalawang Pagbasa: Efeso 4:17.20- 24; Mabuting Balita: Juan 6:24-35)
Unang Pagbasa: Bilang 11:14-15; Salmo: Awit 81:12-17;
Mabuting Balita: Mateo 14:13-21
13 Nang marinig ito ni Jesus, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. 14 Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit.
15 Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.”
16 Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” 17 Sinabi nila: “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” 18 Sinabi niya: “Akin na.”
19 At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. 20 At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang punong basket. 21 Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
San Juan Maria Vianney |
Unang Pagbasa: Bilang 12:1-13; Salmo: Awit 51:3-13
Mabuting Balita: Mateo 14:22-36
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. 23 At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. 24 Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin.
25 Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. 26 Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. 27 Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” 28 Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.”
29 At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: ”Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”
32 Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. 33 At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!”
34 Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. 35 Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. 36 May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Unang Pagbasa: Bilang 13:1-35; Salmo: Awit 106:6-23
Mabuting Balita: Mateo 15:21-28
21 Pagkaalis sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. 22 May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” 23 Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: “Paalisin mo na siya’t sigaw siya nang sigaw sa likod natin.”
24 At sinabi sa kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.”
25 Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” 26 Sumagot si Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” 27 Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” 28 Kaya nagsalita sa kanya si Jesus: “Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
Pagbabagong-anyo ni Hesus |
Unang Pagbasa: Daniel 7:9-14; Salmo: Awit 97:1-9; Ikalawang Pagbasa: 2 Pedro 1:16-19; Mabuting Balita: Marcos 9:2-10
2 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila 3 at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. 4 At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus.
5 Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” 6 Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin.
7 At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.” 8 At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila.
9 At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. 10 Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.
San Sixto |
Unang Pagbasa: Deutoronomio 4:32-40; Salmo: Awit 77:12-21
Mabuting Balita: Mateo 16:24-28
24 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. 25 Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alang-alang sa akin ang makakatagpo nito. 26 Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Ano ang maibibigay niya para mabawi ito?
27 Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. 28 Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”
Santo Domingo |
Unang Pagbasa: Deutoronomio 6:4-13; Salmo: Awit 18:2-51
Mabuting Balita: Mateo 17:14-20
14 Pagdating nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: 15 “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. 16 Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.”
17 Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” 18 At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon.
19 Pagkatapos ay nilapitan si Jesus ng mga alagad, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” 20 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat maliit ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi sana ninyo sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang magiging imposible para sa inyo.
|
|
|
|
|
|
|