Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon - 02 Agosto 2015

Linggo ng mga Kura-Paroko

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.” (Juan 6:35)

Unang Pagbasa: Exodo 16:2-4.12-15

Noong mga araw na iyon, ang mga Israelita’y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa sana’y pinatay na kami ng Panginoon sa Ehipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.” 

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakanin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito’y susubukin ko kung hanggang saan nila susundin ang aking mga tagubilin. 

Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo’y malalaman nilang ako ang Panginoon, ang kanilang Diyos.” 

Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. Nang mapawi ang hamog, nakita nilang ang lupa’y nalalatagan ng maliliit at maninipis na bagay na animo’y pinipig. Hindi nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano kaya ito?” Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”

Salmo: Awit 78:3-4. 23-24. 25. 54

Tugon: Panginoon ang nagbigay 
            ng pagkaing bumubuhay!

Ito’y aming narinig na, kaya naman aming alam, 
nagbuhat sa aming nuno na sa ami’y isinaysay. 
Totoong kahanga-hanga ang tinutukoy na bagay, 
mga ginawang dakila ng Panginoong Maykapal. 

Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan, 
at ang mga pinto nito’y agad-agad na nabuksan. 
Bunga nito, ang pagkai’y bumuhos na parang ulan, 
ang pagkain nilang manna, sa kanila’y ibinigay. 

Ang kaloob na pagkai’y pagkain ng mga anghel,
hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
Inihatid sila ng D’yos sa banal niyang lupain, 
sa bundok niyang inagaw sa kalabang naniniil.

Ikalawang Pagbasa: Efeso 4:17.20- 24

Mga kapatid, sa ngalan ng Panginoon, ito ang sinasabi ko’t iginigiit: huwag na kayong mamuhay na gaya ng mga Hentil. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip. Hindi ganyan ang natutuhan ninyo kay Kristo – kung talagang pinakinggan ninyo ang aral niya at naturuan kayo ng katotohanang na kay Hesus. Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang dating pagkatao, na napapahamak dahil sa masasamang pita. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat makita sa inyo’y ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katuwiran at kabanalan.

Mabuting Balita: Juan 6:24-35

Noong panahong iyon, nang makita ng mga tao na wala na si Hesus, ni ang kanyang mga alagad, sa lugar na kinainan ni Hesus ng tinapay, sila’y sumakay sa mga bangka at pumunta rin sa Capernaum upang hanapin si Hesus. 

Nakita nila si Hesus sa ibayo ng lawa, at kanilang tinanong, “Rabi, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama.” 

Kaya’t siya’y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?” “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya,” tugon ni Hesus. “Ano pong kababalaghan ang maipakikita ninyo upang manalig kami sa inyo? Ano po ang gagawin ninyo?” tanong nila. “Ang aming mga magulang ay kumain ng manna sa ilang, ayon sa nasusulat, ‘Sila’y binigyan niya ng pagkaing mula sa langit,’ ” dugtong pa nila. Sumagot si Hesus, “Dapat ninyong malamang hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng pagkaing mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na pagkaing mula sa langit. Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyos ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigaybuhay sa sanlibutan.” “Ginoo,” wika nila, “bigyan po ninyo kaming lagi ng pagkaing iyon.” “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay,” sabi ni Hesus. “Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.” 

 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: