Longing For God

Gospel Reflection

Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
18 Hulyo 2021


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 19 Hulyo 2015.)


Hinahanap nating mga tao ang Diyos katulad ng scenario-ng ito sa pagitan ng mag-amang isdang lumalangoy sa kailaliman ng dagat.

Napansin ng amang isdang bothered ang kanyang anak na isda. Tila malalim ang iniisip ng anak. Nang hindi na nakatiis ang ama, tinanong niya ang anak, "Anak, bakit parang kanina ka pa balisa? Ano ba ang iniisip mo?" 

Saglit na nag-isip ang anak. "'Tay, naguguluhan po kasi ako. Lagi kong naririnig ang tungkol sa karagatan pero kahit kailan hindi pa ako napunta roon. Nasaan po ba ang dagat?"


Araw-araw nating hinahanap ang Diyos. Hindi man natin napapansin, sa loob natin ay parang lagi nating hinahanap ang kulang. Gusto nating punuan ang malaking espasyo sa loob natin. 

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, ang pagkauhaw nating ito sa Diyos ay makikita sa mga taong sumusunod kay Hesus. Sila'y nagmula sa iba't-ibang estado sa buhay. Karamihan sa kanila'y mga makasalanan. Ang iba'y mga nawawalan ng pag-asa. Mga taong walang masusulingan. Mga taong wala nang matatakbuhan. 

Nakita nila kay Hesus ang pag-asa. Nakita nila sa Kanya ang pagkilos ng Diyos. Nakita nila kay Hesus ang bagong buhay.

Katunayan, understatement na sabihing naging trending si Hesus sa mga tao. Para Siyang fb post na naging viral sa internet. Hinanap Siya ng mga tao.

At buong pusong tinanggap sila ni Hesus. Inaruga Niya sila na tulad ng isang mabuting pastol sa mga tupang naliligaw. Hindi Niya inalintana ang Kanyang pagod. Patuloy Niyang ipinadama sa kanila ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mabubuting gawa.

Sa ating panahon, tayo ang mga taong ito. We long for God. We long for Jesus. Ang nalilimutan natin at lagi sa ating ipinapaalala ng ating mga pari, God is everywhere. Lagi natin Siyang kasama. 

Siya'y nasa ating trabaho. Sa ating eskuwelahan. Sa ating tahanan. Siya'y nasa ating kapwang nangangailangan. Nasa kapwa nating tumutulong sa atin. Siya'y nasa ating mga magulang, mga anak, mga mahal sa buhay. Siya'y nasa estrangherong nakasalubong natin kanina. Nasa mga taong nakasakay natin sa bus o sa jeep o sa LRT.

Kaya sa tuwing pakiramdam natin, parang napakalayo ng Diyos, na para bang natutulog Siya at hindi nakikinig sa ating mga daing, lagi nating isiping lagi natin Siyang kasama. Kahit na minsan parang anghirap makita. Kahit na mahirap maramdaman.

Nasa puso natin ang Diyos. Lagi lang kumakatok sa pinto ng ating buhay. Naghihintay na tanggapin natin Siya sa ating puso.

Hayaan nating kumilos sa atin ang Banal Na Espiritu. Hayaan nating tighawin ni Hesus ang ating pagkauhaw. Hayaan nating punuan Niya ang malaking espasyong nasa ating buhay.

Para tayong isdang pilit na hinahanap ang karagatan. Ang hindi alam ng isda, nasa paligid niya ang karagatan. Kasama natin ang Diyos. Lagi tayong inaalalayan sa pagharap natin sa ating buhay.

Panalangin:

Ama, Ikaw ang aming Diyos na lumikha sa amin sa pamamagitan ni Hesus, pagsamba, papuri, pasasalamat ang aming kaloob sa Iyo.

Kami'y mga tupang ligaw na naghahanap ng aming daan patungo sa Iyong minamahal na kawan. Matutunan po sana naming sumunod sa Iyong kalooban. Pagharian Mo po ang aming buhay. Ang Espiritu Santo po sana ang aming maging laging gabay sa aming mga pang-araw-araw na desisyon at pakikisalamuha. 

Ama, tulungan din po Ninyo ang mga munting pastol sa aming simbahan. Ang aming Santo Papa, mga obispo, mga pari at mga katekista. Magawa po sana nilang maipadama sa kanilang kawan ang Iyong pag-ibig sa pamamagitan ng kanilang mabuting halimbawa at pamumuhay.

Tighawin Mo po ang aming pagkauhaw sa Iyo. Patuloy Mong ipadama sa amin ang Iyong pag-ibig. Idinadalangin din po namin silang naghahanap sa Iyo. Silang mga nasa banig ng karamdaman. Silang mga nawawalan ng pag-asa at dumaranas ng matinding mga pagsubok. Matagpuan po sana nila ang kaginhawahang sa Iyo lamang matatagpuan.

Ang lahat ng ito sa pamamagitan ni Hesus, ang aming Mabuting Pastol, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, noon, ngayon at magpakailanman. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: